MANILA, Philippines — Umakyat sa P98.66 milyon noong 2025 ang deklaradong net worth ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio, mula sa P7.25 milyon na idineklara ni Duterte noong 2007, batay sa mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na iniharap sa kanyang impeachment trial nitong Martes, Setyembre 15.
Sa pagdinig ng Senate Impeachment Court, ipinrisinta ng prosekusyon ang mga SALN ni Duterte mula 2007 hanggang 2025 bilang bahagi ng pagtalakay sa alegasyon ng unexplained wealth.
Batay sa mga rekord na binasa ni Office of the Ombudsman Central Records Division officer-in-charge Atty. Karen Batu, nasa P49.7 milyon ang net worth noong 2018, P55.61 milyon noong 2019, P65.31 milyon noong 2021 at P71.66 milyon noong 2022.
Umakyat pa ito sa P77.51 milyon noong 2023 at P88.51 milyon noong 2024 bago umabot sa P98,656,131.20 noong 2025.
Sa 2025 joint SALN nina Duterte at Carpio, umabot sa P122.8 milyon ang kanilang kabuuang assets habang nasa P24.14 milyon ang liabilities.
Gayunman, nilinaw sa cross-examination na ang pagtaas ng halaga ng SALN ay hindi awtomatikong nangangahulugang ilegal ang yaman.
Sinabi ni Batu na maaaring magbago ang halaga ng assets sa bawat taon dahil sa pagbili, pagbebenta o pagtanggap ng mga ari-arian, kabilang ang mga donation na dapat ding ideklara sa SALN.
Patuloy namang sinusuri ng prosekusyon ang mga bank, corporate, tax at property records bilang bahagi ng kanilang alegasyon hinggil sa umano’y unexplained wealth ni Duterte. RNT