MANILA, Philippines — Hindi ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga naitalang nasawi at nasugatan kaugnay ng kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, kahit isang tao lamang ang masaktan ay hindi ito maituturing na magandang pangyayari para sa Pangulo.
“Kahit isang tao lang po ang nasaktan hindi po ikasasaya ng Pangulo,” ani Castro.
Nakapagtala ng hindi bababa sa apat na nasawi at 19 na sugatan sa mga insidenteng iniugnay sa halalan, karamihan sa mga biktima ay mula sa engkuwentro sa Cotabato City bago ang araw ng botohan.
Gayunman, sinabi ng Malacañang na maituturing pa ring matagumpay ang halalan sa BARMM, habang inilarawan naman ng Commission on Elections ang kabuuang proseso bilang generally peaceful at orderly sa kabila ng ilang isolated incidents.
Bago ang halalan, inatasan ni Marcos ang mga security at law enforcement agency na tiyakin ang ligtas, maayos at mapayapang botohan sa BARMM. RNT