MANILA, Philippines — Pinayagan ng Sandiganbayan Third Division si dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na dumalo sa kanyang arraignment at pre-trial sa pamamagitan ng videoconference ngayong Miyerkules, Setyembre 16.
Itinakda ang arraignment ni Romualdez alas-8:30 ng umaga matapos pagbigyan ng anti-graft court ang kanyang urgent motion na payagang lumahok sa proceedings sa pamamagitan ng videoconference.
Nahaharap si Romualdez sa kasong plunder kaugnay ng umano’y P7.44 bilyong kickbacks mula sa mga kontratista at iba pang may interes sa flood control, infrastructure at iba pang proyekto ng gobyerno.
Kasalukuyang nakadetine si Romualdez sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas matapos siyang ilipat mula sa Philippine General Hospital noong Lunes ng gabi. Nauna nang sinabi ng mga doktor ng PGH na stable ang kanyang kondisyon at hindi na kailangan ng patuloy na hospital confinement.
Nauna nang iginiit ni Romualdez na inosente siya at haharapin niya ang mga paratang laban sa kanya sa korte. Santi Celario