Home NATIONWIDE Dela Rosa ‘di dadalo sa pagdinig ng Kamara sa drug war

Dela Rosa ‘di dadalo sa pagdinig ng Kamara sa drug war

MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na hindi siya dadalo sa pagdinig ng Kamara sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Dela Rosa ang nanguna bilang kauna-unahang police chief ni Duterte, sa madugong war on drugs na ikinasawi umano maging ng ilang mga inosente.

Ang desisyon na huwag dumalo si Dela Rosa sa pagdinig ng Kamara ay batay na rin sa abiso ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.

Karaniwang sinusunod ng Kongreso ang inter-parliamentary courtesy at invite, ngunit hindi nito ipinatatawag ang mga kasamahan sa pagdinig at imbestigasyon.

Ani Dela Rosa, walang problema para sa kanya na dumalo sa pagdinig.

Sa kabila nito, kailangan niya umano na “to follow the guidance of the Senate President being a member of the institution.”

“We have to seek guidance dahil nga that is an enshrined practice, tradition among chambers of the legislature to observe inter-parliamentary courtesy,” sinabi pa ni Dela Rosa.

Ayon sa senador, hindi pa nito natatanggap ang pormal na imbitasyon ng House Committee on Human Rights, na nagsabi nitong Martes na iimbitahan siya at si Duterte para sa pagdinig.

“Ano ang magagawa ng senador? Bente-kwatro lang kami, sige na lang attend sa hearing nila wala nang magagawa ang Senado sa kanyang legislative function,” aniya.

Samantala, hinamon naman ni Dela Rosa ang mga kritiko niya at ni Duterte na maghain ng reklamo sa mga korte.

“Hindi ‘yan sa sentimyento, kung hindi sa ebidensya ‘yan. Magbabase tayo sa ebidensya, hindi sa sentimyento. Kung meron kayong ebidensya, [mag-]file kayo sa korte,” giit ni Dela Rosa. RNT/JGC