MANILA, Philippines – Sa non-commissioned survey na isinagawa mula Hunyo 10 hanggang 17 sa lahat ng rehiyon, inilaylay ng The Issues and Advocacy Center (The Center) ang pinakabagong “Magic 12 runners” para sa 2025 senatorial race.
Sa naturang survey, may ilang prominenteng pangalan na nasibak mula sa huling survey nito noong 2023 yearend.
Ang survey ng The Center na kinakatawan ni Ed M. Malay, ay gumamit ng standard multi-stage, area probability sampling (MSAP) na may 1,200 respondents mula sa National Capital Region (NCR), Luzon, Visayas at Mindanao.
Ang mga resulta ay nagpakita na si Erwin T. Tulfo (64%) ang nangunguna sa grupo, na sinundan ni Vicente “Tito” C. Sotto III (52%) at dating Pangulong Rodrigo “Rody” Duterte (50%), na pumangatlo at pinakapinaboran sa mga potensyal na mga kandidato 2025 midterm elections.
Pumang-apat si Christopher Lawrence “Bong” Go (49%) kasama si Emmanuel “Manny” Pacquiao (49%) bilang ikalima sa listahan. Si Francisco “Isko Moreno” Domagoso (48% ) sa ikaanim na puwesto habang si Maria Imelda “Imee” Marcos (42%) ay sumunod sa TV personality.
Si Francis “Tol” Tolentino (41%) ay nakapasok sa ikawalong puwesto, habang si Pilar Juliana “Pia” Cayetano (41%) sa ikasiyam na puwesto, si Doc Willie Ong (40%) ay nasungkit ang ikasampung puwesto, Ronaldo “Bato” dela Rosa (40%) sa pang-onse at Camille Lydia Villar (38%) ang nakabuntot sa ika-12 puwesto.
Ang survey ng The Center ngayong Hunyo 2024 ay naglabas ng mga bagong pangalan sa Magic 12 senatorial runners, kabilang sina dating Pangulong Duterte at Camille Lydia Villar.
Sa survey ng parehong grupo na isinagawa mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 4, 2023, sina Panfilo “Ping” Lacson, Bong Revilla Jr., at Lito Lapid ay kabilang pa sa Magic 12 pero natanggal sa bagong survey.
Kasama sa pinakahuling survey ng The Center ang trust ratings ng limang nangungunang opisyal ng pambansang pamahalaan. Nakuha ni Sen. Miguel “Migz” Zubiri ang pinakamataas na trust rating na 67%, at pumangalawa si Vice President Sara Duterte Carpio sa 63%.
Si Chief Justice Alexander Gesmundo ang pangatlo sa pinakapinagkakatiwalaan sa top five national government officials na may rating na 61%, at si House Speaker Martin Romualdez ang pang-apat na may 60%. Kasabay nito, nakakuha ng 58% si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sinuri rin ng The Center ang pulso ng mamamayan hinggil sa isyu ng Charter Change at ito ay may positibong resulta ng 52% na pag-apruba sa pag-amyenda sa mga probisyong pang-ekonomiya ng 1987 Constitution.
Ang survey ng Pulso ng Pilipino ay may margin of error na 3% at may confidence level na higit sa 98%. RNT