MANILA, Philippines – Sa isang pampublikong pagdinig ng Senate committee on health, pinuna ni Senator Christopher “Bong” Go ang hindi pa natatapos o pagkaantala at pagtaas ng mga gastos sa iba’t ibang proyektong health infrastructure projects sa buong bansa.
Kinalampag ni Go ang Department of Health (DOH) tungkol sa patuloy na mga proyekto sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ngunit naaantala at lumaki pa ang mga gastos.
Partikular na tinukoy ni Go ang proyekto, tulad ng Super Health Center sa Candijay, Bohol, na sa kabila ng isang malaking pamumuhunan ay nananatiling hindi kumpleto.
“‘Yung sa Candijay po, sa Bohol, funded po ito ng P56 million in 2023 pero hindi pa po natatapos. Though ‘yung inyong standard Super Health Center is around P11.5 million, ito P56 million, hindi pa rin po natatapos. Ano ba’ng nagiging problema po sa inyong implementasyon ng inyong HFEP projects?” tanong ni Go.
Habang pinupuna ang matamlay na pag-usad ng ilang proyekto, kinilala naman ni Go ang matagumpay na implementasyon, gaya ng Super Health Center sa Tingloy, Batangas. Isa ito aniyang modelo kung ano ang maaaring makamit as epektibong interbensyon ng gobyerno.
“Tulad po ng Tingloy sa Batangas, island po ito… 45 minutes away (from mainland) pero meron na kayong Super Health Center doon. ‘Yung mga kababayan nating Batangueño, hindi na nila kailangang bumiyahe ng bangka sa mga check-up… At na-implement n’yo po itong Konsulta Program po ng PhilHealth doon,” ipinunto ni Go.
Bilang tugon, sinabi ni DOH Undersecretary Emmie Chiong na may dati nang isyu sa proyekto at idinetalye ang mga hakbang na ginagawa upang matugunan ang mga ito. Binigyang-diin ni Chiong na ang mga ito ay patuloy at naghihintay siya ng updates o development.
Binigyang-diin ni Go ang kritikal na pangangailangan para sa mga pasilidad pangkalusugan na makumpleto, hindi lamang sa paggasta kundi para sa tangible na health benefits na ibibigay nito sa mamamayang Pilipino.
“Importante dito, to make it operational and functional at mapakinabangan po ng mga kababayan natin. Huwag po tayong mag-iwan ng white elephant projects dahil pera po ito ng taumbayan. Dapat po ay walang masayang ni piso o sentimo po ng pondo ng bayan,” idiniin ni Go. RNT