Home NATIONWIDE Deliberasyon sa badyet ng DOH, PhilHealth ipinasuspinde ni Bong Go

Deliberasyon sa badyet ng DOH, PhilHealth ipinasuspinde ni Bong Go

Sa pampublikong pagdinig noong Martes, nagmosyon si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health at vice chair ng Senate finance committee, na suspindehin ang deliberasyon sa panukalang badyet ng Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) hanggang ang kanilang mga obligasyon at pangako sa mahihirap na pasyente ay hindi natutupad o gawing pormal sa pamamagitan ng pirmadong commitment letters

Bago aprubahan ng committee on finance subcommittee na pinamumunuan ni Senator Pia Cayetano ang panukalang 2025 health budget, hiniling ni Go ang written commitments kapwa sa PhilHealth at DOH.

Una siyang nanawagan sa PhilHealth na gumawa ng may lagdang commitment letter, kung saan tinitiyak na tutuparin nito ang mga pangakong binitiwan sa mga pagdinig.

“Napakarami na pong naipangako ang PhilHealth,” ani Go na nagpapaalala sa ahensiya na nagsabing  isasaayos ang healthcare accessibility para sa taumbayan.

Iginiit din ni Go sa DOH na mangako sa pamamagitan ng pagsulat na itutuloy-tuloy nito nang walang hadlang ang operasyon ng Malasakit Centers sa buong bansa.

Ang Malasakit Center na itinatag sa pamamagitan ng Republic Act No. 11463 na pangunahing iniakda at itinataguyod ni Go, ay nakapagbigay na ng tulong pinansyal at suportang medikal sa mahigit 15 milyong Pilipino.

Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagpapanatili ng sapat na pondo at suporta para Malasakit Centers.

“I wish to have the Secretary of Health sign a commitment letter and issue a department memorandum before we approve the budget of the agency stating that DOH shall ensure the sufficient funding and assistance shall be provided to guarantee the continuous and uninterrupted operation of all Malasakit centers nationwide,” ani Go.

Dahil dito, sinabi ni Sen. Cayetano na dapat sumunod ang DOH at PhilHealth sa mga kahilingan ni Go bago opisyal na maisumite ang badyet nito para sa pag-apruba.

“Your budget is not officially deemed submitted, but it will be submitted once you comply with Senator Bong Go’s request,” ayon kay Cayetano.

Binigyang-diin ni Sen. Go na mahalaga ang pamumuhunan sa pangangalagang pangkalusugan habang ang bansa ay patungo sa post-pandemic recovery.

Iginiit ni Go na dapat bawasan ang “out-of-pocket” na gastusin para sa mga pasyente kaya nananawagan siya sa PhilHealth na kumilos nang mas maagap sa pagsuporta sa mga programang tulong-medikal ng DOH.

“Tulungan n’yo po ang DOH. Huwag kayong masyadong umasa sa medical assistance program ng DOH,” ani Go na nilinaw na ang magiging kontribusyon ng PhilHealth ay makababawas sa bigat ng health department upang tulungan ang indigent patients.

“Ang pera para sa kalusugan ay dapat gamitin para proteksyunan ang kalusugan ng bawat Pilipino. Kaya nga PhilHealth, dahil ang pondo para sa kalusugan ay dapat gamitin para sa kalusugan!” idiniin ng senador. RNT