Home NATIONWIDE Deliberasyon sa wage hike proposal nagpapatuloy sa Kamara

Deliberasyon sa wage hike proposal nagpapatuloy sa Kamara

MANILA, Philippines – Nagpapatuloy ang pagtalakay ng House Committee on Labor and Employment sa kanilang deliberasyon sa mga House Bills (HBs) 514, 7871 at 7568, na naglalayong dagdagan ang mga sahod ng mga kawani at mga manggagawa sa pribadong sektor.

Sa idinaos na pagdinig ay ninigyan ng pagkakataon ang mga opisyal mula sa pribadong sektor, labor groups at civil society organizations na iprisinta ang kanilang pananaw hinggil sa panukalang wage hike.

Nagbabala si Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP) Executive Director Maritess Jocson-Agoncillo sa komite hinggil sa panukala, aniya, malaki ang potensyal na pagkawala ng trabaho at pamuhunan sa oras na ipatupad ang wage increase.

Giit ni Agoncillo, hindi napapanahon ang taas-sahod lalo at hirap ang export sector dahil sa mahinang pangangailangan ng pandaigdigang merkado, at mga kalituhan sa mga non-tariff policies ng mga pangunahing export markets.

Samantala, sinabi ni Employers Confederation of the Philippines (ECOP) Director General Arturo Guerrero III na ang panukalang wage hike ay maglalagay sa panganib, hindi lamang sa mga manggagawa sa informal sector, kungdi maging sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) ng bansa, na kinabibilangan ng 99.5% ng mga rehistradong negosyo sa bansa.

Ipinaliwanag nito na magdudulot ng tanggalan sa trabaho o pagsasara ng mga negosyo na may maliliit na kita ang legislated wage hike.

Hindi naman sang-ayon si Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Vice Chairperson Luis Corral sa pananaw ng mga employer groups, at sinabing maliit lamang ang epekto sa inflation at unemployment ng panukalang wage increase.

Binanggit niya ang legislated wage hike noong 1989 na hindi naman nagdulot ng malakihang tanggalan sa trabaho at inflation.

“The fruits of their labor should go to the pockets of ever hardworking Filipino workers who have every right to work and live with dignity for the first ever legislated wage hike since 1989,” ani Corral.

Sinuportahan naman ni Kilusang Mayo Uno (KMU) Chairperson Elmer Labog ang P150 legislated wage increase.

Sa pagpapahayag ng suporta sa panukalang wage increase, iprinisinta ni Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER) Executive Director Rochelle Poras ang natuklasan sa isang pag-aaral, na nagpapakita ng pagiging produktibo ng mga manggagawa kapag maayos ang pasahod.

“That is why the legislated wage increase will not undermine industries including MSMEs. It will give dignity to the workers,” ani Poras.

Sa panig ni House Committee on Labor and Employment Chairman at Rizal Rep Fidel Nograles sinabi nito na kanilang masusing susuriin ang argumento ng magkbilang panig bago magpasya amg komite sa isyu. Gail Mendoza