Home OPINION DELIKADONG INIT NG PANAHON LABANAN

DELIKADONG INIT NG PANAHON LABANAN

NAPAKARAMI nang eskwela ang nagsususpinde ng face-to-face na klase dahil sa sobrang init ng panahon.

Ang mga local government unit ang nangunguna sa pagsususpinde gaya ng Quezon City sa ilalim ni Mayor Joy Belmonte kahapon.

Sa Kabisayaan, lalo na sa Western Visayas na naroroon ang Iloilo, Guimaras, Negros Island ant iba pa, halos 200,000 estudyante ang walang face-to-face na klase dahil din sa init ng panahon.

Pinalalapat na lang ang istayl Covid-19 na sistema gaya ng  sistemang module, pamimigay ng mga assignment, paggamit ng sistemang zoom o iba pang uri ng maramihang komunikasyon para hindi mahinto ang pag-aaral ng mga bata.

Lahat ng antas ‘yan mula sa day-care hanggang sa senior high school at karaniwang sakop ang mga public school.

Para sa mga pribadong eskwela, ipinauubaya sa mga pamunuan ng mga ito ang desisyon kung ano ang kanilang gagawin.

Napagdedesisyunan ng mga LGU na kapag umabot ang init sa kapaligiran sa 41 degrees celsius pataas ang init, no classes na.

Eh Abril pa lang ngayon habang hanggang Mayo pa ang klase at sa Mayo umano maging pukpukan ang init ng panahon dahil sa pinagsamang normal na tag-init at El Niño.

DISGRASYA ANG AABUTIN

Dahil sa init ng panahon, lalo na sa mga lugar na kakaunti ang mga halaman at puno gaya ng maraming lugar sa Metro Manila at sa mga sentrong lugar o poblacion ng mga bayan o kapitolyo ng mga lungsod at lalawigan, talaga namang ramdam na ramdam ang init ng panahon.

Dahil marami ang mga bata na inihahatid ng mga motorsiklo sa mga iskul, posibleng may disgrasya sa pagkahilo ng mga sakay na bata o kaya ng mga tsuper.

Ang mga naglalakad mula sa malalayo at walang pamasahe o buwanang arkila ng school bus o traysikel, posibleng tamaan din sila ng init ng panahon at disgrasya.

Baka matamaan din ang mga lolo’t lola na karaniwang naghahatid-sundo sa mga bata.

Ang isang masakit, lalo na sa parte ng mahihirap, marami sa mga ito ang hindi makasunod sa bilin na uminom ng maraming tubig dahil mahal ang tubig.

Mahirap namang kumuha sa mga balon na siyang babaunin, maliban lang kung pakukuluan ang mga ito para maging ligtas sa mikrobyo o anomang pagmumulan ng sakit.

Mabuti kung gagastos nang todo ang mga iskul o titser para sa suplay ng inuming tubig dahil kung meron mang tubig, para lang karaniwan sa paglilinis at comfort room.

Sa susunod, mungkahi nating magkaroon ng batas para sa pondo sa inuming tubig ng mga iskul na maaaring gawin ng mga LGU at pambansang pamahalaan lalo’t painit nang painit ang panahon dahil sa climate change o pag-iinit ng buong mundo dahil sa polusyon.

Dapat na sumunod ang lahat sa mga habilin ng pamahalaan kung paano labanan ang init ng panahon gaya ng pagbabawas ng paglabas ng bahay mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon, pag-inom ng maraming tubig, pagsusuot ng hindi mainit na mga damit, pagsusuot ng mga sombrero o pagdadala ng payong.

Kung may matamaan ng heat stroke, dapat magtulong-tulong ang lahat para dalhin ang biktima sa ospital para maligtas ito sa matinding pinsala o kamatayan.

Previous articleWALANG BARIL-BARILAN SA GIYERA
Next articleSarah, inggit much kay Nadine!