Home OPINION WALANG BARIL-BARILAN SA GIYERA

WALANG BARIL-BARILAN SA GIYERA

ARAW-ARAW nating sinusubaybayan ang giyera, hindi baril-barilan, sa Ukraine at Israel.

Lahat nadudurog o pinasasabog, mula sa tahanan at ospital hanggang sa mga sari-saring gusali at pabrika na roon nabubuhay ang mga obrero.

Sirang-sira rin ang mga halamanang ikinabubuhay ng mga magsasaka at ang mga mangingisda’y ganap na hindi makapalaot.

Wasak din ang mga dam, tubigan, kuryente, pier, riles ng tren, kalsada, gasolinahan at komunikasyon.

Lahat dinudurog ng mga bala ng baril at tangke, granada, bomba, kanyon, drone, missile, sunog at iba pa.

Punumpuno ng pagkakasakit, pagkakasugat, kamatayan, sobrang gutom at pagod, takot, paghinto sa pag-aaral, away sa gobyerno at iba pa.

Sa Gaza, Israel, nasa 32,000 na ang patay at sa Ukraine at Russia, nasa 500,000 na habang nasa 20 milyong Ukrainian ang lumayas.

Noong unang mga panahon, sa giyera marami ang natitira para sa ikabubuhay at pag-asa sa kinabukasan ng mga tao ngunit ngayon, sinisira ang lahat at maaaring deka-dekada bago makabangon ang isang pamayanan.

Kaugnay nito, paano kung sisiklab ang giyera sa pagitan ng Pinas at China dahil sa kakapiranggot na batuhan sa dagat na tinatawag na Ayungin Shoal?

Hindi pa nga teritoryo ng Pinas ang lugar na ‘yan kundi bahagi lang ng 200 mile exclusive economic zone, ayon sa ilang eksperto, bagama’t ipinipilit ng iba na teritoryo natin.

Ano kaya ang mangyayari sa lahat ng lugar na may Enhanced Defense Cooperation Agreement na may Kano at sa mga sentrong lungsod gaya ng Metro Manila na malaki ang posibilidad na targetin ng mga bomba at missile?

Nagtatanong tayo dahil posibleng matulad tayo sa durog na durog na buong Gaza sa Israel at sa pagitan ng Lebanon at Israel, lumayas na ang daan-daang libong nakatira dahil sa laban ng Israel at Hezbollah.

Sa Ukaine, lahat ng lugar nito, kasama ang Kyiv na kapital nito, binobomba at mini-missile rin.

Handa ba ang mga mamamayang Pinoy na pangunahing maiipit at biktima sa giyera?