Home OPINION URING MANGGAGAWA, MAPAGPALAYA

URING MANGGAGAWA, MAPAGPALAYA

NGAYONG May 1, nakiki-isa ako sa mga pagkilos para gunitain ang Labor Day o Araw ng mga Manggagawa. Ang mga pangunahing panawagan at paalala nila sa gobyerno, ang “Apat na Dapat” harapin ng gobyerno at hindi ang pag-amyenda sa Saligang Batas o ChaCha.

Malinaw ang resulta ng isang sarbey ng Pulse Asia kung saan ang mga pangunahing problema ng mga Pilipino ay ang pagsugpo sa inflation (63%), taas ng sweldo (44%), mas maraming trabaho o kita (31%) at solusyon sa kahirapan (30%). Kaya, nananawagan sila sa gobyerno na gumawa ng mga konkretong hakbang upang bawasan ang halaga ng pamumuhay, palakihin ang kanilang take-home pay, pasiglahin ang paglikha ng trabaho at pagkakakitaan, at labanan ang kahirapan.

Hindi Cha-cha ang panawagan ng mga manggagawa. Walang koneksyon ang Resolution of Both Houses Nos. 6 at 7 sa mga problema ng mga obrero. Kaya hindi nila ito iniendorse at aktibo pa ngang tinututulan. Sigaw ng mga manggagawa ay “Sahod itaas, Cha-cha iatras.”

Hinihiling ng mga manggagawa na isabatas na ang “across-the-board” na dagdag-sahod na hindi bababa sa P100 kada araw, isang panukalang-batas na pasado na sa Senado.

Samantala, naghihintay sa deliberasyon sa House of Representatives ang mga katulad na panukalang batas na nagmumungkahi ng pagtaas ng sahod na P150 at P750 kada araw.

Nakalulungkot, bago ang congressional recess para sa Semana Santa, ipinasa ng Kamara ang RBH No. 7 sa halip na ang mahalagang dagdag sahod. Kaya naman, hinihimok ng mga manggagawa ang mabilis na pagkilos mula sa Mababang Kapulungan upang matiyak na maipasa ang mga panukalang batas at magiging batas.

Mabigat ang diin ng ating 1987 Constitution sa “Social Justice” o Panlipunang Katarungan. Ang mga pondasyon nito ay ang pagkakaroon ng “living wage” o nakabubuhay na sahod at komprehensibong proteksyon sa paggawa. Yun bang sapat ang kinikita ng isang pamilya para mabuhay ng may dignidad, lalo na nga at patung-patong ang mga krisis na hinaharap ng mga Pilipino.

Mabuhay ang uring manggagawa!