Home OPINION  WALANG PATAWAD

 WALANG PATAWAD

NAKABABAHALA ang napabalitang umaaligid na isang Chinese research vessel sa karagatan ng Catanduanes kamakailan kung saan lantarang pumapasok ito sa teritoryo ng bansa nang walang anomang pahintulot mula sa awtoridad.

Batay sa ulat ng Armed Forces of the Philippines, una nang namataan ang barko ng Tsino may ilang kilometro lang ang layo mula sa baybaying dagat ng isla ng Rapu-Rapu sa Albay may ilang linggo na ang nakaraan kaya naman naka-alerto ngayon ang buong kasundaluhan ng Bikol hinggil sa pangyayaring ito.

Subalit hindi na bago sa atin ang panghihimasok ng higanteng bansa dahil maliwanag pa sa sinag ng buwan ang ginawang pag-angkin nito sa teritoryo ng ‘Pinas sa West Philippine Sea sa kabila nang ibinabang desisyon ng UN Arbitral Tribunal noong 2016 na pag-aari ng ating bansa ang karagatang ‘yan.

Ngunit palaisipan pa rin sa mga Bikolano ngayon kung ano ang pakay ng research vessel sa karagatan ng Catanduanes na itinuturing na Tuna highway ng Kabikolan bunsod sa naglalakihang primerang klase ng isdang dinarayo pa ng mga mangingisda rito sa dagat Pasipiko na nasa silangang bahagi ng lalawigan.

Hindi kaya ang sangkatutak na grupo ng tuna ang sadya ng paniniktik ng barko ng China sa karagatan na pinagkakakitaan naman ng mga Bikolanong mandaragat?

Hindi ba’t sangkaterbang dambuhalang mga barkong pangisda noong mga nakaraang taon ang hayagang nangingisda sa karagatan ng WPS kung saan tone-toneladang laman-dagat ang hinakot nito pabalik ng China at ibinenta muli sa ating gobyerno sa pamamagitan ng importasyon?

O baka naman may iba pang mga mineral na deposito sa ilalim ng karagatang ng Catanduanes ang sinisisid ngayon ng mga researcher na Tsino na sadyang pakikinabangan ng kanilang mga kanugnog sa China?

Naalala ko tuloy noong dekada otsenta ang grupo ng mga tulisan at mandarambong na tinatawag na “WALANG PATAWAD” kung saan nililimas lahat na kagamitang kabilang ang mga kaldero’t kaserola sa bawat kabahayan na pinapasok nito.

Susmaryusep,lahat na lang yata na pwedeng pakinabangan ngayon ng China sa ‘Pinas ay pinakikialaman nito malingat lang ng ilang segundo ang awtoridad natin ay hinakot na lahat.

Kaya naman hindi dapat kumurap sa pagbabantay ang pwersa armada ngayon sa Kabikolan baka bukas makalawa ay pinutakte na nang sangkaterbang barko ng China ang karagatan ng Catanduanes.