Home OPINION BEHIND ENEMY LINES

BEHIND ENEMY LINES

KAISA ng milyon-milyong kababayan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos kaugnay sa pagtatanggol ng teritoryo natin sa West Philippine Sea sa gitna nang tumataas na bilang ng pambabalya ng China sa inangking karagatan.

Naging simbolo ng prisipyado’t patriyotikong lider si Pangulo Marcos  sa pamamagitan nang ibinaba nitong kautusan na palakasin pa ang koordinasyon sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno para harapin ang anomang hamon sa pagdepensa ng ating lugar sa WPS sa kabila nang pananakot at iba pang marahas na hakbang ng Tsino laban sa mga sundalo natin doon.

Bagaman nagpahayag kamakailan ang higanteng bansa na hindi ito matitinag ng anomang polisiya’t hakbang ng Pinas na isasagawa sa karagatang ‘yun subalit maliwanag pa sa sinag ng buwan na kaakibat lang naman sa pagtatanggol ng ating gobyerno ang ginagawa ng pwersa ng pamahalaan lalo pa’t may pinaghahawakan tayong patunay na pag-aari natin ang WPS batay sa 2016 UN Tribunal Ruling samantalang wala namang ebidensyang ipinangangalandakan ang China na sa kanila ito maliban sa mapang mula pa raw sa mga ninuno nila.

Kaya naman sukdulang makipagpatayan ang grupong naghahatid ng suplay ng pangunahing pangangailangan tuwing naglalayag ito patungong BRP Sierra Madre na matagal nang nabahura sa WPS upang ipakita sa sanlibutan na ligal at naayon sa pandaigdigang batas ang sinusunod ng ating gobyernong bagay na matagal nang isinantabi ng poderoso’t abusadong higanteng bansang pilit na tinitiris ang Pinas.

Unawa ng sambayanan na magiging masalimuot pa ang susunod na magaganap sa WPS hinggil sa pambabaluhara’t panggigipit na mararanasan ng ating mga bayani na patuloy na lumalaban para ipakita sa buong mundo na tayo ang may karapatan sa teritoryong atin bunsod sa pag-aari ito ng bansa lalo na’t napapaloob ito sa Exclusive Economic Zone kung saan ang mga kababayang mangingisda lang ang marapat na makinabang nito at hindi ang mga dayuhang matagal nang inangkin at pinagpapasasaan ang yamang dagat doon.

Sa madaling sabi,hindi kailanman aatras ang pwersa ng pamahalaan doon kahit bombahin pa ito ng tone-toneladang tubig mula sa naglalakihang barko ng mga kaaway.

Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email [email protected]

Previous articleMGA HANGAL!
Next articleWALANG BARIL-BARILAN SA GIYERA