Home OPINION MGA HANGAL!

MGA HANGAL!

April 1, 2024 habang sinusulat ko itong kolumn ko at mistulang puro April Fool’s Day messages ang halos lahat ng nababasa ko sa social media tungkol sa pagdepensa ng ilang mga Pilipino sa ginagawang pambu-bully ng China sa West Philippine Sea.   Hindi ito nakatatawa!

Kung isasalin sa Filipino, ang “fool” ay hangal.  Isang taong wala sa tamang kaisipan o kaya naman ay mukhang matino ang mga sinasabi, pero hindi siya maayos kausap dahil hindi s’ya nakikinig o walang pakialam kahit kaninoman. O kaya naman ay may katuturan ang mga sinasabi n’ya, pero nakapagtataka kung bakit baluktot ang mga dahilan o argumento at nangigilid na sa kasinungalingan.

Sa mga GenZ siguro, marites o kaya ay “fake news peddler” na ang label sa “fools” o mga hangal.  Mas malala pa ang mga hangal sa simpleng chismosa, kasi karugtong nang pagpapakalat ng walang katwiran na mga posisyon sa isyu, may gas lighting pa na kasama.   Anila, baka raw hindi naiisip nang husto ng mga karaniwang Pilipino kung ano ang mga epekto sa bansa natin, kapag nagalit ang China.

Walang duda na pinaandar ng China ang makinarya n’ya sa online at social media para pasikatin ang posisyon na mali ang ginagawa ng Philippine Coast Guard na magdala ng mga pagkain at tubig sa Ayungin Shoal.   Halos iisa lang ang script na kumalat sa FB, X/Twitter at Instagram ng maraming kilalang influencers at mga dating kawani ng gobyerno.

Mabuti na lang at hindi nagpatinag ang mga opisyal mula sa Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines at pati na rin si Pangulong Bong Bong Marcos  mismo ay naglabas ng matigas at matapang na pahayag.   Tama nga naman.  Nasa wastong lugar ang PIlipinas na igiit ang ating soberanya sa Ayungin Shoal, at hindi tayo papayag na basta-basta lang tayong takutin ng kahit sinoman.

Atin ang West Philippine Sea at nasa panig natin ang kasaysayan, ang mga matatandang mapa ng ilang eksperto at ang desisyon ng Arbitral Tribunal ng United Nations noong 2016 ang mga matibay na sandigan natin.

Maraming hangal at traydor na gusto tayong lituhin, pero hindi sila magwawagi.   Mananatili lang silang mga hangal.

Previous articleKASUROG COPS NG PRO5
Next articleBEHIND ENEMY LINES