
KAPAG nagawi ka ng Bicolandia, huwag ikagulat kung sa tutuwina ay makakikita ka ng pulutong ng nakamotorsiklo at nakabisikletang mga unipormadong pulis sa mga lansangan.
Dahil hindi katulad sa mga pulis sa ibang lugar na bahagi lamang ng kanilang daily routine at exercise ang pagmomotor at bisikleta, sa Police Regional Office 5, ito ay bahagi ng anti-criminality strategy na pinaiiral.
Inilunsad noong nakaraang Pebrero 5, ang KASUROG cops ay brainchild program ni dating Manila Police District director P/BGen Andre P. Dizon na sa kasalukuyan ay regional director ng PRO5 o Bicol Region.
Ang KASUROG na salitang Bikol o kakampi sa tagalog ay nabuo sa inisyal na 20 miyembro na ang ‘tasking’ ay pangunahan ang police visibility sa komunidad para panggulat sa mga halang ang kaluluwa.
Sakay sa mga dating bulok at sira nguni’t inayos nilang mga motorsiklo, binansagang KASUROG Motorcycle Patrol Cops ang 20 pulis na bumubuo nito na ang trabaho ay umikot sa mga lansangan.
Bukod sa nakamotorsiklo na KASUROG cops ay may KASUROG Bicycle Cops din din na ikinalat sa mga kalsada para magsilbing ‘scarecrow’ sa mga bumabastos at sumasalaula sa batas.
Pangunahing layunin ng deployment ng KASUROG cops ay pro-aktibong pigilin ang krimen at agad na tumugon sa anomang insidente na maaring mangyari sa komunidad.
Magtatrabaho ang mga pulis ‘in tandem’ upang mapanatili ang kapayapaan at tiyakin sa publiko at maramdaman ng mga ito na sila’y sinusuportahan ng pulisya at ligtas sa anomang panganib, paliwanag ng heneral sa FB post.
Kilala sa tawag na ‘Game Changer’, tiyak na ‘di hihinto si Dizon hangga’t ang tagumpay ng KASUROG cops ay ‘di nakakamit sa buong rehiyon na sa ngayon ay umaarangkada na sa area ng Daraga at Legaspi.
Miyembro ng PNPA Class ’94, si Dizon ay instrumental sa pagbuo at pagpapatupad ng mga makabagong programa sa MPD kaya tumaas ang satisfaction rating ng Manila’s Finest noong siya ang hepe nito.