Home METRO Nigerian na sangkot sa hit and run, nakorner

Nigerian na sangkot sa hit and run, nakorner

MANILA, Philippines- Isang Nigerian national na sangkot sa insidente ng hit and run ang nasakote matapos magtangkang tumakas at nahagip pa ang rumespondeng mobile patrol sa Brgy. San Francisco sa Gen. Trias City, Cavite.

Kinilala ang suspek na si alyas Chibuike, Nigerian national, nasa hustong gulang.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag ang mobile patrol ng General Trias City Police hinggil sa isang sasakyan na kulay pula na Hyundai Accent na may plakang UIR 562 na minamaneho ng suspek, na sangkot umano sa isang hit and run sa ibang munisipalidad at namataan sa Brgy. San Francisco ng naturang lungsod.

Dakong alas-3: ng hapon, nagkataong nagsasagawa ng pagpapatrolya ang San Francisco COMPAC Patrol sa lugar at namataan dito ang nasabing sasakyan kaya pinara nila ito subalit imbes na tumigil ay mabilis na umarangkada ang kanyang sasakyan kaya nagkaroon ng habulan hanggang sa nakorner ito sa Malabon bridge. Gayunman, tinangka pa rin ng driver na tumakas at sinubukang sagasaan ang isang miyembro ng patrol group, subalit naaresto rin ito kalaunan.

Bukod sa naunang kaso, sasagutin din nito ang tinatayang P15,000 na pinsala sa mobile patrol na kanyang nasira.

Nahaharap ang suspek sa kasong Reckless Impudence in Resulting to multiple in Damage Property. Margie Bautista