Home METRO Pulis todas sa pamamaril

Pulis todas sa pamamaril

PARANG, Maguindanao- Patay ang isang pulis matapos barilin ng hindi pa kilalang suspek matapos umanong sitahin ng una ang huli dahil sa kahina-hinala nitong kilos nitong umaga sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Police Captain Roland Moralde ng 14th Mobile Force Battalion ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR).

Batay sa report ng Parang Municipal Police Station, bandang alas-11 ng umaga nang maganap ang krimen sa pamilihang bayan sa Barangay Poblacion 2.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, napansin umano ng biktima ang suspek na kahina-hinala ang ikinikilos nito at may sukbit na baril sa tagiliran kaya sinita niya ito.

Mabilis na binunot ng suspek ang armas at binaril ang biktima nang ilang beses sa katawan na naging sanhi ng agarang kamatayan nito.

Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang pagkakakilanlan ng suspek at ikadarakip nito. Mary Anne Sapico