MANILA, Philippines — Nagbabala ang environmental watchdog na BAN Toxics laban sa mga plastik na laruan na kahawig ng pagkain na ibinebenta sa Divisoria matapos lumabas sa pagsusuri na posibleng naglalaman ang mga ito ng mapanganib na kemikal.
Binili ng grupo ang mga laruan sa halagang ₱50 bawat isa at sinuri gamit ang handheld chemical analyzer. Lumabas na may iba’t ibang antas ng arsenic, antimony, barium, bromine, lead, at mercury.
Pinaghihinalaan ding naglalaman ang mga ito ng PVC (polyvinyl chloride), na iniuugnay sa kanser, endocrine disruption, at pinsala sa kalusugan at pag-unlad ng mga bata.
Kabilang sa mga laruan ang kahawig ng burger, itlog, prutas, kendi, at tsokolate. Bagama’t ibinebenta bilang pantulong sa pagkatuto, maaari itong magdulot ng panganib ng toxic exposure at choking, lalo na sa mga batang edad tatlong taon pababa.
“Delikado ang mga laruan na kahawig ng pagkain dahil madaling ipagkamali ng mga bata na totoong pagkain ito,” ayon kay Thony Dizon ng BAN Toxics. Nanawagan siya sa Food and Drug Administration (FDA) na maglabas ng consumer alert at sa mga LGU na magsagawa ng post-market surveillance.
Ayon sa patakaran ng DOH, bawal ang laruan ng bata na may higit sa 0.1% na delikadong phthalates. Ngunit iginiit ng BAN Toxics na marami pa ring plastik na laruan sa pamilihan ang posibleng naglalaman ng mga nakalalasong additives.
Nagpaalala ang grupo sa mga magulang na maging mapanuri, lalo ngayong papalapit ang holiday season kung kailan tumataas ang bentahan ng mga laruan. Santi Celario