MANILA, Philippines — Target ng Department of Transportation (DOTr) na isagawa ang demo run ng Metro Manila Subway sa unang quarter ng 2028, bilang bahagi ng paghahanda sa operasyon ng kauna-unahang underground railway system ng bansa.
Ayon kay DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez, saklaw ng demo run ang unang yugto ng proyekto mula East Valenzuela hanggang Quirino Avenue sa Quezon City.
“Ang target po namin para sa demo run ay first quarter of 2028. Dito po natin makikita ang aktuwal na takbo ng mga tren sa unang phase ng subway,” pahayag ni Lopez sa panayam ng DZBB.
Nilinaw ng DOTr na iba pa ang demo run sa testing at commissioning, at layon nitong masuri ang aktuwal na operasyon ng mga bagon sa riles bago tuluyang buksan sa publiko.
Sinimulan ang Metro Manila Subway Project (MMSP) noong 2019 at bubuo ito ng 33-kilometrong linya na may 17 istasyon, mula Valenzuela City hanggang Pasay City, na may spur line patungong NAIA Terminal 3.
Ayon sa DOTr, nasa 26% ang kabuuang completion rate ng proyekto hanggang Nobyembre 2025.
Tinatayang matatapos ang buong subway system sa huling bahagi ng 2031 o 2032, depende sa budget at right-of-way acquisition.
Mahigit 90% ng right-of-way ang nakuha na ng ahensiya at inaasahang maaayos ang natitirang isyu sa ikalawang quarter ng 2026.
Kapag ganap na operational, inaasahang makikinabang ang 300,000 hanggang 400,000 pasahero kada araw, at makokonekta ang subway sa LRT-1, MRT-3, MRT-7, LRT-2, at North-South Commuter Railway. RNT/JGC