Home NATIONWIDE Dengue cases sa bansa bumulusok ng 23% – DOH

Dengue cases sa bansa bumulusok ng 23% – DOH

MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Health (DOH) noong Huwebes, Abril 24, ang 23 porsiyentong pagbaba sa mga bagong kaso ng dengue sa buong bansa, bunsod ng pinaigting na kampanya laban sa mga lamok sa mga komunidad.

Ayon sa DOH, mula Marso 16 hanggang 29 ay nakapagtala ito ng 9,289 bagong kaso ng dengue, mas mababa kumpara sa 12,050 kaso na naitala sa pagitan ng Marso 2 at 15.

Ang pagbaba ng bilang ay iniugnay sa pinalawak na pagpapatupad ng kampanyang “Taob, Taktak, Tuyo, Takip” — isang simpleng ngunit epektibong estratehiya para maiwasan ang pagdami ng lamok sa mga tahanan at paligid.

Hinikayat ng DOH ang publiko na panatilihin ang kalinisan sa kanilang kapaligiran at maghanda na rin para sa nalalapit na tag-ulan sa Hulyo o Agosto, kung kailan tumataas ang panganib ng pagdami ng lamok sa mga nakaimbak na tubig.

Dahil sa mas pinaagang konsultasyon at mas mabilis na tugon mula sa mga ospital, nananatiling mababa ang case fatality rate (CFR) ng dengue sa 0.36 porsiyento — nangangahulugang halos apat na namamatay sa bawat 1,000 kaso.

Malaki rin ang naiambag ng programang “Dengue Fast Lane” sa mga ospital, na naglalayong mapabilis ang medikal na atensyon at maiwasan ang malulubhang komplikasyon sa mga pasyente.

Mula Enero hanggang Abril 2025, naitala ng DOH ang kabuuang 95,262 kaso ng dengue sa buong bansa — mas mataas ng 75 porsiyento kumpara sa parehong panahon noong 2024, kung saan 54,556 na kaso lamang ang naitala. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)