NAG-SPRAY ng mosquito repellant ang isang lalaking ito sa bawat sulok ng kanyang tahanan matapos na opisyal na ideklara ng Quezon City Government ang dengue outbreak, habang ang kaso ay patuloy na tumataas. DANNY QUERUBIN
QUEZON CITY, Philippines – Nakapagtala ang Quezon City ng kabuuang 7,084 na kaso ng dengue mula Enero hanggang Agosto 22, na 151% na mas mataas kumpara sa rekord noong nakaraang taon, ayon kay Dr. Rolly Cruz, punong epidemiologist ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division.
Ang mga pagkamatay na sanhi ng dengue ay tumaas din na may 23 na nasawi sa parehong yugto ng panahon.
Aniya, ang kamakailang malakas na pag-ulan na dala ng tropical cyclones at southwest monsoon ay nagdulot ng pagdami ng breeding sites ng dengue-carrying Aedes aegypti mosquito.
Karamihan sa mga kaso ay mga batang nasa paaralan, na may average na edad na 11 taong gulang.
Kabilang sa mga barangay na may pinakamaraming kaso ay ang Batasan Hills, Payatas, Commonwealth at Holy Spirit, na sinundan ng Pasong Tamo, Bagong Silangan at Tatalon.
“Alam natin pagka hindi natin nalinis yung bahay natin, pag umuulan, maiipunan ng tubig at mabilis mag-multiply yung mga lamok natin na unfortunately nagdadala ng dengue virus,” saad ni Cruz.
Tiniyak ni Cruz na nakahanda ang mga city health center sa pagdagsa ng mga kaso.
Pinaalalahanan naman ni Cruz ang publiko na agad na dalhin ang mga miyembro ng pamilya, bata man o matanda, sa pinakamalapit na health center kung mayroon silang sintomas ng trangkaso sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.
Nananatiling may bisa ang fever fast lanes sa lahat ng health centers, kung saan susuriin ang mga pasyente para sa dengue at leptospirosis. RNT/MND