ISANG seryosong babala nilabas ng Department of Environment and Natural Resources – Central Visayas (DENR Region 7) matapos ang pagkakaroon ng potensiyal na ground instability o panganib sa pagguho ng lupa sa ilang bayan sa hilagang bahagi ng Cebu.
Sinabihan ng MGB 7 ang mga lokal na pamahalaan na kaagad ipagbawal ang pagkakaroon ng akses sa mga lugar na apektado ng sinkhole at mga bitak sa lupa. Ang sinkhole ay isang depresyon o butas sa lupa na sanhi ng pagbagsak ng ibabaw ng lupa papunta sa ilalim na cavity.
Dapat din itong lagyan ng caution tapes at warning signs upang maprotektahan ang mga residente at motorista. Binanggit ng ahensya na iwasan ang basta-basta pag-backfill o pagsara sa mga sinkhole nang walang tamang pagsusuri, lalo na kung may mga ilog o sapa sa ilalim ng lupa, dahil maaari nitong mas lalong lumala ang pagguho o magdulot ng pagbaha.
Paalala pa ng MGB 7, ang pagbuo ng sinkhole ay maaaring magpatuloy sa paglipas ng panahon, lalo na kung tataas ang dami ng ulan, bababa ang water table, o may malakas na lindol na susunod.
Dalawang technical teams mula sa MGB 7 at MGB Central Office ang nai-deploy upang magsagawa ng geohazard assessments sa mga bayan na tinamaan ng lindol. Ang kanilang mga natuklasan ang magiging gabay ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng safety measures, relocation plans, at land-use restrictions.
Ayon kay San Remigio Mayor Mariano Martinez, maaaring may mahigit sa 100 sinkhole sa buong bayan, marami sa mga ito ay nakita lamang matapos ang pagtama ng lindol. Sa kasalukuyan, labing-limang sinkhole ang kumpirmadong nakita sa Sitio Sansan, Barangay Maño, na nag-udyok sa paglikas ng higit sa isang libong residente patungo sa mga open field dahil panay-panay pa ring nararamdaman ang mga aftershocks na mula intensity 1.0 hanggang 5.0 ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Pinayuhan ng MGB 7 ang mga komunidad na kaagad iulat ang anomang senyales ng bagong sinkhole, bitak, o kakaibang paglubog ng lupa sa lokal na awtoridad at sa ahensya. Pinalilikas ang mga naninirahan malapit sa apektadong lugar at iwasang pumasok sa mga gusali o istrukturang malapit sa delikadong lupa. Hinikayat din ng ahensya ang local disaster councils na makipag-ugnayan sa PHIVOLCS, Department of Public Works and Highways, at National Disaster Risk Reduction and Management Council sa patuloy na pagmamanman at sa pagpaplano ng pangmatagalang relocation para sa mga pamilyang maapektuhan kung maganap ang ground collapse.
Maliban sa San Remigio, ang iba pang mga bayan sa hilagang Cebu katulad ng Bogo, Tabogon, Daanbantayan, at Medellin ang isinailalim sa Subsidence Threat Advisory ng MGB 7. Pinayuhan ang mga lokal na pamahalaan na ideklara ang apektadong lugar bilang “high subsidence hazard zones” at isama ang advisory sa kanilang disaster risk reduction at management plans.
Inaasahang maglalabas ang MGB ng komprehensibong geohazard assessment report matapos ang field validations.






