MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng P716.15 million sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para i-replenish o lagyang muli ang Quick Response Fund (QRF) para sa disaster-hit communities.
Sa isang kalatas, sinabi ng DBM na ang hakbang na ito ay alinsunod sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa mas mabilis, mas ‘compassionate relief operations.’
“This replenishment helps guarantee the DSWD can continue to provide food, shelter, and cash aid to families when they need it most,” ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Ang replenishment ay bilang pagsuporta sa stockpiling ng Family Food Packs (FFPs) at Non-Food Items (NFIs) para sa 424,681 pamilya, at distribusyon ng Emergency Cash Transfers (ECT) para sa 41,502 pamilya na apektado ng Southwest Monsoon at tropical cyclones Mirasol, Nando, at Opong sa Regions 5 (Bicol), 4-B (Mimaropa), at 2 (Cagayan Valley).
Bahagi ng pondo ay ilalaan para sa ‘transport at logistics, stand-by regional allocations, at iba pang operational support’ para mas mapabilis ang paghahatid ng tulong at serbisyo.
Ang nasabing halaga ay huhugutin mula sa National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) Fund sa ilalim ng Fiscal Year 2025 General Appropriations Act (Republic Act 12116).
“When disasters strike, hindi po dapat maghintay ang ating mga kababayan sa tulong. Sinisiguro po ng ating Quick Response Fund na agaran nating naibabalik ang pag-asa at pagbangon ng bawat Pamilyang Pilipino,” ang sinabi ng Kalihim.
Ang Quick Response Fund ay nagsisilbi bilang stand-by fund kung saan pinahihintulutan ang mga ahensiya gaya ng DSWD na agad na gamitin ang relief and rehabilitation assistance sa panahon ng kalamidad.
Sa oras na bumaba ang balanse ng 50%, maaari itong muling lagyan mula sa NDRRM Fund, kasunod ng guidelines o mga alituntunin na itinakda ng Office of Civil Defense (OCD) at DBM.
Samantala, sinabi ni Pangandaman na ang napapanahong pagpapalabas ng pondo ay nagpapatibay sa commitment ng administrasyon na ‘proactive at people-centered disaster response.’ (KRIS JOSE)