
MANILA, Philippines- Matinding kinondena ni Senador Nancy Binay ang kawalan ng pagpapahalaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Protected Area Management Board (PAMB) meetings kaya naitayo ang pribadong resort sa sakop ng protected areas.
Kasabay nito, hiniling din ni Binay sa DENR na ipagiba ang resort upang hindi pamarisan ng iba na pwedeng magtayo ng istruktura sa paligid ng protected areas.
Inatasan ni Binay ang DENR na isumite sa Senado ang visual recordings ng meeting upang maiwasan ang pagkalito at maitaguyod ang accountability sa loob ng ahensya.
“Baka mas maigi na may actual recording. Maybe you could start requiring na hindi lang minutes but actual recording of PAMB hearings. Kasi kung minutes lang yun, hindi clear kung ano ba yung naging exchange, ano yung explanation,” ayon kay Binay.
Lubhang ikinadismaya din ni Binay matapos malaman sa ginanap na pagdinig ng Senado hinggil sa kontruksyon ng Captain’s Peak Garden and Resort sa Chocolate Hills na hindi dumalo ang kinatawan ng DENR sa pulong ng PAMB.
“Nakakagulat lang na malaman na nagka-conduct pala ng hearing ang PAMB–which is chaired by the DENR Director–nang walang audio/video recording na magba-validate sa official minutes of the meeting,” wika ni Binay.
Natuklasan din sa naturang pagdinig na naibigay ang PAMB clearance sa Captain’s Peak Garden and Resort sa panahon ni dating DENR regional executive in Central Visayas Gilbert Gonzales, na pawang assistant secretary ngayon ng ahensya.
Ngunit, sinabi ni Gonzales sa pagdinig na hindi siya nakadalo sa PAMB meeting dahil kailangan nitong pumunta sa ibang event.
“The minutes/recordings are supposed to serve as accountability tools, and as reliable references should there be issues and misunderstandings in the future,” sabi ni Binay.
Iminungkahi rin ni Binay na gibain ang Captain’s Peak Garden and Resort upang hindi pamarisan ng sinumang indibidwal o negosyante na magtayo ng istruktua sa protected areas.
“Sabi ni Secretary Loyzaga they are in the process of hearing itong issue ng Captain’s Peak, but sa akin – ‘yung structure itself, ang sakit sa bangs nung itsura. For me, dapat matanggal talaga ‘yang structure,” giit niya. Ernie Reyes