Home NATIONWIDE Pimentel sa ‘gentleman’s agreement’ ni Digong sa China: Walang bisa

Pimentel sa ‘gentleman’s agreement’ ni Digong sa China: Walang bisa

MANILA, Philippines- Walang bisa at hindi kikilalanin ng Pilipinas ang anumang kasunduan na pinasok ng sinumang dating opisyal ng pamahalaan sa dayuhan kung walang sapat na dokumento na pinagtibay ng Kongreso, ayon kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III nitong Biyernes.

Ganito ang reaksyon ni Pimentel matapos maghain si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ng isang resolusyon upang paimbestigahan ang gentleman’s agreement ni dating Pangulong Duterte sa China hinggil sa pag-aalis ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Nais ni Hontiveros na paimbestigahan kung bakit nangako si Duterte na kanyang tatanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na nagresulta ng panggigipit ng China sa pagkumpuni at rehabilitasyon ng barko.

“Ang gusto kong sabihin, it could be unconstitutional, it could be unlawful but definitely it is void. It is void. Mabuti rin siguro this hearing will have a purpose in the sense that all foreign nations monitoring our hearings will get to know that should something like this happen in the future, that is void,” ani Pimentel.

“A single Filipino no matter the position in government cannot bind the country in an informal, unwritten, unrecorded agreement. So-called agreement. That should be the conclusion of the hearing,” giit pa ng senador.

Sinabi ni Pimentel na kahit dating Pangulo ang pumaloob sa isang kasunduan, hindi maaaring kilalanin ito dahil hindi ito pormal, hindi nakasulat at walang dokumentong kasunduan.

Ipinaliwanag pa ni Pimentel na kung tratado ito, kailangan nito ng pag-sangayon ng Kongreso alinsunod sa itinakda ng batas, at hindi “he-said she-said scenario”.

“Mga ganyan basta’t mga ganyang scenario, void na po ‘yan. Lalo na bina-bind niyo po ang isang bansa. That is void,” paliwanag niya.

Binanggit din niya na maaaring tugunan ni Duterte ang isyu pero walang record na maipakikita na nagkaroon ng kasunduan.

“But the point is there is no record, so therefore it does not exist,” ani Pimentel. Ernie Reyes