MANILA, Philippines — Sisiyasatin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang matinding pagbaha sa Olongapo City matapos iugnay ng ilang residente sa isang solar farm sa kabundukan ang umano’y paglala ng pagbaha sa kanilang lugar.
Sa mga ulat, sinabi ng ilang residente ng Barangay Sta. Rita na nakaranas na sila ng pagbaha noong mga nakaraang taon ngunit umano’y mas mataas ang tubig sa pinakahuling insidente.
Ang tinutukoy nilang proyekto ay ang Phase I ng Olongapo Solar Power Project ng AP Renewable Corporation, na pag-aari ng Aboitiz Renewables Inc.
Ayon sa DENR Region III, nakita na sa environmental assessment ng proyekto ang posibilidad na makadagdag ito sa volume ng surface runoff mula sa bundok.
Sinabi ni DENR Region III Director Martin Despi sa isang ulat na dahil dito ay nagtakda ang ahensya ng mga kondisyon sa developer, kabilang ang paglalagay ng floodwater drainage at pagtatanim ng mga puno, bago inaprubahan ang proyekto.
Gayunman, itinanggi ng DENR na malawakang pinutol ang mga puno sa lugar. Ayon kay Despi, karamihan sa project site ay grassland at hindi umano binago ang natural contour ng bundok sa pagkakabit ng mga solar panel.
Iginiit naman ng Aboitiz Renewables na sumunod ang proyekto sa mga pamantayan ng DENR at isinama sa disenyo nito ang mga hakbang upang hindi makadagdag sa pagbaha.
Ayon pa sa kumpanya, bahagi ang Olongapo ng Kalaklan River basin at likas na lantad sa pagbaha dahil nasa low-lying coastal plain ang lungsod.
Sinabi rin ng DENR na posibleng naging malaking salik ang matinding pag-ulan, na umano’y 150 porsiyentong mas mataas sa Olongapo noong Sabado.
Kaugnay nito, sinabi ni Olongapo City Mayor Rolen Paulino Jr. na sa kanilang pagsusuri, magkahawig ang bilis at volume ng tubig na bumababa mula sa bundok na kinaroroonan ng solar farm at mula sa katabing bundok na walang solar panels.
Nauna nang sinabi ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na makikipag-ugnayan ang DPWH sa DENR at Department of Energy upang imbestigahan ang mga alegasyon at matukoy kung may kaugnayan nga ang solar project sa pagbaha.
Sa ngayon, wala pang opisyal na konklusyon ang mga awtoridad na ang solar farm ang sanhi o nagpalala sa pagbaha sa Olongapo. Dave Medina