MANILA, Philippines — Nanatiling lubog sa baha ang 330 barangay sa 20 local government units (LGUs) sa Pampanga, na lumitaw sa paunang assessment ng Office of Civil Defense (OCD) bilang pinakamalubhang tinamaan ng matagal na pag-ulan.
Ayon kay OCD Deputy Administrator for Administration Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, mataas pa rin ang tubig-baha sa San Simon at maraming bahagi ng lalawigan batay sa isinagawang aerial inspection nitong Lunes, Agosto 31.
Humingi na rin si Pampanga Gov. Lilia Pineda at mga local disaster response official ng patuloy na suporta mula sa national government dahil ilang linggo nang tuloy-tuloy ang pagtatrabaho ng mga lokal na responder.
Sinabi ni Alejandro na nangako ang mga opisyal ng Department of National Defense (DND) na tutugunan ang pangangailangan upang mabigyan din ng pagkakataong makapagpahinga ang mga emergency responder sa Pampanga, gayundin sa Zambales at Tarlac.
Sa aerial inspection sa Tarlac, nakita rin umano ng OCD ang dalawang tulay na nasira dahil sa matinding pagbaha noong nakaraang linggo.
Nakatakda pang magsagawa ng mas detalyadong inspeksyon ang OCD sa mga apektadong lugar at tutungo rin sa Zambales at Pangasinan habang nagpapatuloy ang banta ng malalakas na pag-ulan.
Sa kabuuan, nasa 8.8 milyong katao o humigit-kumulang 2.5 milyong pamilya na ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis, Maymay at Neneng at ng habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Umakyat na rin sa 33 ang naiulat na nasawi, habang 19 ang nasugatan at tatlo ang nawawala, ayon sa OCD. Santi Celario