Home NATIONWIDE Department of Sports, nais likhain sa Senado para sa grassroots developments

Department of Sports, nais likhain sa Senado para sa grassroots developments

MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Senator Alan Peter Cayetano kamakailan ang paglikha ng sariling Department of Sports ng bansa upang magsanay at mangalap ng atleta at magkaroon ng grassroots development.

Sa pahayag, sinabi ni Cayetano, dating chairman ng nakaraang South East Asian Games, na kailangan ang paglikha ng Department of Sports upang mas mapalakas ang suporta sa grassroots development.

Layunin din ng panukala na mapaghandaan nang mabuti ang malalaking international sporting events tulad ng nalalapit na FIVB Men’s World Championship.

Sa panayam matapos ang Spike For A Cause fundraising dinner at fashion show k, sinabi ni Cayetano kamakailan na dapat sulitin ng Pilipinas ang momentum mula sa mga tagumpay ng 2019 Southeast Asian Games at FIBA Basketball World Cup sa pamamagitan ng long-term investment sa sports bilang bahagi ng nation-building.

“Simula nang hiniwalay y’ung sports sa Department of Education and Culture and Sports, nag-suffer y’ung grassroots,” wika niya.

“The PSC (Philippine Sports Commission) can handle elite athletes, but for more than 7,000 islands and 111 million Filipinos, we really need a department focused on sports,” dagdag niya.

Buo rin ang pag-asa ng senador na maihahain at mapagtutuunan ng pansin ang panukala sa susunod na Kongreso, gaya ng nangyari sa paglikha ng Department of Migrant Workers (DMW) at Department of Information and Communications Technology (DICT).

“Two things convince you to have a new department: either a big challenge or big victory,” wika niya.

Bilang Co-Chairperson ng Local Organizing Committee para sa Volleyball World Championship na nakatakdang ganapin mula September 12 hanggang 28, 2025, binigyang diin ni Cayetano ang mahalagang papel ng sports sa diplomasya at pagbuo ng pagkakaisa ng bansa.

“Even religion causes division. But arts, culture, sports — they bring us together,” wika niya.

Nang tanungin kung posible bang maging volleyball powerhouse ang Pilipinas, sagot ni Cayetano, “Every time makita mo y’ung puso ng Filipino athlete, anything is possible… Pero kailangan buhusan ng resources.”

Pinuri rin ng senador ang mga hakbang ng gobyerno na magbigay ng unofficial passport o travel support para sa mga atleta upang mapadali ang proseso ng visa sa mga bansang may mahigpit na travel requirements.

“Kahit sabihin mong member ng Philippine team, nagkakaproblema pa rin. Kaya malaking tulong ang ganitong passport,” wika niya.

Sa papalapit na hosting ng bansa sa World Championship, hinikayat ni Cayetano ang lahat ng stakeholders na doblehin ang sipag at panalangin.

“It’s not easy to host this many countries but we’re optimistic, and we really want to make the country proud,” aniya. Ernie Reyes