ALBAY, Philippines – Naghanda ang Department of Education (DepEd) sa Albay ng mga contingency plan para sa nagpapatuloy na Palarong Panlalawigan 2026, upang matiyak ang kaligtasan ng mga atleta sa gitna ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.
Ayon sa DepEd, ang lahat ng 15 venue ng palaro ay nasa labas ng walong kilometrong extended danger zone ng bulkan.
Ipinahayag ni Christopher Simon San Diego, disaster risk reduction project officer ng DepEd-Albay, sa isang press conference noong Martes ang mga hakbang sakaling magkaroon ng ashfall.
“The Albay Provincial Sports Complex is not affected by pyroclastic density currents and lava flows, so our main concern is ashfall,” ayon kay San Diego.
Batay sa mga alituntunin, mask at limitadong outdoor exposure ang ipatutupad sa light ashfall; pansamantalang ititigil ang outdoor events sa moderate ashfall; at agad na ihihinto ang lahat ng aktibidad kung may heavy ashfall.
Dagdag pa ni San Diego, nakikipag-ugnayan ang DepEd sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) at may safety inspectors sa mga venue. Nakaantabay din ang medical teams para sa posibleng respiratory issues.
Humigit-kumulang 2,000 atleta, coach, at opisyal ang kalahok sa Palarong Panlalawigan na tatagal hanggang Enero 31. RNT/MND