Home NATIONWIDE DepEd chief accountant umaming nakatatanggap ng ‘sobre’

DepEd chief accountant umaming nakatatanggap ng ‘sobre’

MANILA, Philippines – Isa pang opisyal ng Department of Education (DepEd) ang umamin na tumanggap din ng mga sobre na may lamang pera mula kay Vice President Sara Duterte noong ito pa ang kalihim ng ahensya.

Si DepEd Chief Accountant Rhunna Catalan ang ikaapat na opisyal na umamin sa pagdinig House Committee on Good Government and Public Accountability na nakatanggap ng pera mula kay Duterte.

“Yes, Sir,” sagot ni Catalan sa tanong ng chairman ng komite na si Manila 3rd District Rep. Joel Chua kung tumanggap ito ng envelope na mayroong lamang pera mula sa noon ay DepEd Assistant Secretary Sunshine Charry Fajarda, isang pinagkakatiwalaang opisyal ni Duterte.

Sa pagtatanong ni Chua, sinabi ni Catalan na “Minimal amount lang po, it’s 25,000 (pesos).”

Ayon kay Catalan si Fajarda ang nagbibigay sa kanya ng envelope buwan-buwan mula Pebrero hanggang Setyembre 2023.

Inamin din ni Catalan na hiniling sa kanya ni Fajarda na pumirma sa liquidation voucher para sa kabuuang P112.5 milyong confidential fund ng DepEd noong 2023.

Ang naturang pondo ay nahati sa tatlong tig-P37.5 milyon at in-encash sa unang tatlong quarter ng 2023.

Dahil sa sinabing ito ni Catalan, iginiit ni Abang Lingkod Rep. Joseph Stephen Paduano ang pangangailangan na humarap sa pagdinig si Fajarda.

Ang mag-asawang Fajarda ay kabilang sa pitong opisyal ng Office of the Vice President na ipina-subpoena ng komite.

Nagtanong naman ang vice chair ng komite na si Manila Rep. Bienvenido Abante kung na-pressure ito na pirmahan ang liquidation reports dahil tumatanggap ito ng pera mula kay Fajarda.

“I was requested, Sir, in a nice way,” sabi ni Catalan.

Ayon kay Catalan tinanong nito si Fajarda kung bahagi ng confidential ang ibinigay nito sa kanya at sumagot umano ito na hindi at sinabi na ito ay allowance mula kay Duterte.

Nauna rito, sinabi ni dating DepEd Undersecretary Gloria Jumamil Mercado na tumanggap ito ng mga sobre na may lamang pera mula sa Duterte mula Pebrero hanggang Setyembre 2023. Naglalaman umano ang bawat sobre ng P50,000.

Sa pagdinig noong Oktubre 17, sinabi naman ni dating DepEd Bids and Awards Committee chair Resty Osias na nakatanggap din ito ng mga sobre kada buwan na naglalaman ng P12,000 hanggang P15,000 mula Abril hanggang Setyembre 2023.

Sinabi rin ni dating DepEd spokesperson Michael Poa na makailang ulit itong nakatanggap ng sobre mula kay Duterte. Gail Mendoza