MANILA, Philippines – Muling nagpaalala ang Department of Education (DepEd) sa mga empleyado nito na huwag isuko o isanla ang kanilang ATM payroll cards bilang kolateral sa utang, o ang tinatawag na “Sangla-ATM.”
Ayon sa DepEd Memorandum No. 049, s. 2026, ipinagbabawal ang paggamit ng ATM payroll cards bilang kolateral sa loan o ang pagsuko nito sa mga nagpapautang. Binigyang-diin ng DepEd na ang ganitong gawain ay maaaring magdulot ng hindi kontroladong pag-withdraw ng pera, pananamantala, labis na pagkakautang, at maling paggamit ng personal at sensitibong impormasyon.
Pinayuhan ng DepEd ang mga kawani na maging maingat sa pagpasok sa anumang kasunduan sa pautang at iwasan ang mga impormal o hindi awtorisadong lending scheme na may mataas na interes at mapang-abusong kondisyon.
Hinikayat din ang mga empleyado na kumuha lamang ng pautang sa mga akreditado at reguladong institusyon tulad ng GSIS, DepEd Provident Fund, Land Bank, Pag-IBIG Fund, at iba pang SEC-registered at DepEd-accredited lending institutions.
Inatasan ng DepEd ang lahat ng tanggapan at paaralan na agad ipalaganap at mahigpit na sundin ang naturang paalala. RNT/MDS