Home NATIONWIDE DepEd nagpatulong sa mga pulis sa ‘bullying’ incident sa iskul sa QC

DepEd nagpatulong sa mga pulis sa ‘bullying’ incident sa iskul sa QC

MANILA, Philippines- Sumangguni na si Education Secretary Sonny Angara sa Quezon City Police District (QCPD) kaugnay ng umano’y napaulat na ‘bullying’ sa Bagong Silangan High School.

Kumakalat kasi ngayon sa social media ang umano’y pambu-bully sa isang babaeng Grade 8 student ng kanyang mga kaklase sa loob ng isang paaralan sa Bagong Silangan, Quezon City.

Sa isang liham kay QCPD Director Brig. Gen. Melecio Buslig Jr., sinabi ni Angara na ang insidente na kinasangkutan ng mga menor-de-edad ay kailangang mahawakan nang maayos ng mga eksperto o may kasanayan at pagiging sensitibo.

“The Department of Education (DepEd) has initiated internal protocols to ensure that the matter is addressed with urgency and care,” ang sinabi ng Kalihim.

“While we have instructed the school to expedite its investigation and extend support to the affected learners, we also recognize that certain aspects of the incident may require your office’s expertise — particularly in maintaining the safety of the school community,” ang nakasaad pa rin sa liham.

Hangad din ni Angara ang pagtutulungan sa pagitan ng Learner Rights and Protection Office (LRPO) ng DepEd at Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Desk.

“Your specialized training, experience, and established protocols in handling such cases are instrumental in ensuring that all parties, especially the children involved, are treated with compassion, dignity, and due process,” ang sinabi nito.

Nauna rito, inatasan na ng DepEd ang pamunuan ng Bagong Silangan High School sa lungsod ng Quezon na palawakin ang imbestigasyon ukol sa insidente ng pambu-bully sa isang estudyante.

Mayroon nang inilaang pulong ang DepEd sa Child Protection Committee ng paaralan para marinig ang panig ng mga magulang at mga sangkot na estudyante.

Sinabi ni DepEd Media Relations Chief Dennis Legaspi na hindi papayagan ang anumang uri ng pambu-bully sa mga paaralan.

Handa umano nilang tulungan ang mga paaralan para mahigpit na maipatupad ang batas ukol sa anti-bullying.

Magugunitang inireklamo ng isang magulang sa nasabing paaralan ang ginawang pambugbog sa kanyang anak na babae kung saan lagi umano itong binu-bully. Kris Jose