MANILA, Philippines – Nanawagan ang Department of Education (DepEd) ng mas matibay na gun safety measures kasunod ng panibagong shooting incident sangkot ang menor de edad.
Sa pahayag, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na ang insidente ay sumasalamin sa problemadong pattern ng firearm exposure ng mga bata.
“Ang kaligtasan ng mga mag-aaral ay hindi nagtatapos sa pintuan ng paaralan. Nagsisimula ito sa ating mga tahanan. Hindi natin kayang protektahan ang ating mga kabataan kung hindi tayo magtutulungan bilang isang buong komunidad,” ani Angara.
Ang DepEd ay nag-isyu ng pahayag matapos na kritikal na masaktan ang siyam na taong gulang na estudyante ng kalibre 38 na pistola na pumutok habang nakikipaglaro sa 13-anyos na kaibigan nito sa loob ng bahay sa General Santos City.
Bukod sa insidenteng ito ay nasawi naman ang 13-anyos na estudyante sa Las Piñas City matapos pagsasaksakin ng kaklase dahil lamang sa away sa P10 sukli.
Lubha umanong nakakabahala, ani Angara, ang pattern ng firearm exposure sa mga kabataan.
Aniya, ang ligtas na pag-iingat ng armas ay hindi lamang legal na obligasyon bagkus ay moral responsibility na makatutulong sa pag-iwas sa mga ganitong trahedya.
Hinimok ng DepEd ang Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies na palakasin ang pagpapatupad ng mga batas sa gun safety, pagsasagawa ng background check sa gun owners, regular na pag-inspeksyon sa pagtatago ng licensed firearms, at pagpapaigting ng crackdown sa mga iligal na armas.
Nanawagan din ang ahensya sa mga magulang na turuan ang mga bata tungkol sa gun safety, at iginiit na hindi pwedeng hawakan ang armas at agad na ireport kung may makikitang armas.
Iginiit din ng DepEd ang zero tolerance policy sa pagbabawal ng firearms, ammunition, bladed weapons, at pampasabog sa lahat ng paaralan.
Sa ilalim ng National Policy Framework on Learners and Schools as Zones of Peace, itinalaga ang mga paaralan bilang “zones of peace,” kung saan ang mga estudyante ay may ispesyal na proteksyon at hindi dapat maging target ng mga karahasan. RNT/JGC