Home NATIONWIDE DepEd nanindigan sa pagpapahinto ng SHS program sa SUCs, LUCs

DepEd nanindigan sa pagpapahinto ng SHS program sa SUCs, LUCs

MANILA, Philippines – Naka-angkla sa batas ang pagpapahinto sa senior high school (SHS) program sa state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs), paninindigan ng Department of Education (DepEd) nitong Biyernes, Enero 5.

Tinukoy ni Education Assistant Secretary Francis Bringas ang Republic Act (RA) 10533 o Enhanced Basic Education Act of 2013 para rito.

“That’s the K to 12 Basic Education law natin, nasa IRR natin ‘yan, Section 32 na hanggang five-year transition lang ang pag offer ng mga SUCs and LUCs ng SHS,” sinabi ni Bringas sa panayam ng CNN Philippines.

“That’s because during the time na nag transition tayo— nag open tayo ng Grade 11 in 2016, definitely, wala silang incoming freshmen in the tertiary. Therefore, meron silang mga facilities na hindi magagamit at meron silang mga teachers na hindi magagamit. So it was best to utilize their facilities at para hindi rin mawalan ng trabaho ‘yung mga teachers,” dagdag pa niya.

Ito ay kasunod ng anunsyo ng Commission on Higher Education (CHED) sa desisyon na ipatigil na ang pag-aalok ng SHS program sa SUCs at LUCs.

Ani CHED Chairman Prospero de Vera III, ang engagement ng SUCs at LUCs ay limitado lamang mula School Year (SY) 2016-2017 hanggang SY 2020-2021.

Ipinaliwanag ni Bringas na ang pinakabagong memorandum ng CHED ay pag-uulit lamang sa dating memorandum na inilabas noong 2015 at 2016.

“So I would presume that since mula pa nung 2016, the LUCs and SUCs are already aware na hanggang 2021 lang ang kanilang pag offer ng SHS. So since umabot na nga tayo ng 2022, 2023 parang meron na tayong na extend actually na palugit ng offering ng SHS in the state and local universities,” anang opisyal.

Kamakailan ay sinabi ni DepEd Undersecretary Michael Poa na may dalawang opsyon ang maaapektuhang SHS learners, ang mag-enroll sa pampublikong paaralan na nag-aalok ng basic education o mag-enrol sa pribadong paaralan at kumuha ng voucher program.

Iginiit ni Bringas na may sapat na mga pampublikong paaralan para tugunan ang lahat ng 17,700 incoming Grade 12 students na maaapektuhan ng pagpapahinto sa programa.

“Yeah, definitely, ma-accommodate natin sila. Malaking number ‘yung 17,700 but that’s all over the country, distributed over 70 school division offices. So it will boil down to around 250 learners per school division office. So marami tayong mga public schools and private schools within the areas of the SUCs and LUCs,” aniya.

Samantala, ilang mambabatas naman ang bumatikos sa kautusang ito at sinabi na mapipwersa ang mga estudyante na lumipat sa pribadong paaralan na mas mahal ang babayarang tuition, o hihinto na lamang sa pag-aaral dahil hindi na sila matatanggap sa mga pampublikong paaralan dahil puno na ito.

Sinupalpal din ni Kabataan party-list Representatives Raoul Manuel ang DepEd at CHED sa pagpayag sa mga SUC at LUC na tumanggap ng enrollees habang sinabi ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Representative France Castro na nagkaroon muna dapat ng konsultasyon kasama ang mga estudyante, magulang at mga guro. RNT/JGC