MANILA, Philippines – Nanawagan ang Department of Education (DepEd) sa mga local government unit (LGU) na maging maingat at balansyado sa pagdedeklara ng suspensiyon ng klase, upang matiyak ang kaligtasan at tuloy-tuloy na pagkatuto ng mga mag-aaral.
“Nirerespeto ng DepEd ang kapangyarihan ng LGUs na magsuspinde ng klase para sa kaligtasan ng publiko, ngunit dapat itong isagawa nang may balanse at pag-iingat,” ayon kay Dennis Legaspi, DepEd chief media relations officer.
Dagdag pa niya, “Habang mahalaga ang pag-iingat, ang matagal na suspensiyon ay maaaring makasagabal sa pagkatuto at pag-unlad ng mga estudyante.”
Ayon sa DepEd, nakikipag-ugnayan na ito sa mga Schools Division Office (SDO) upang ipatupad ang alternative learning delivery modes sa mga lugar na apektado ng suspensiyon. Hinimok din nito ang mga LGU na regular na suriin kung kinakailangan pa ang mga matagal na kanselasyon ng klase.
Ang pahayag ay kasunod ng magkakasunod na suspensiyon ng klase dahil sa mga lindol, paghahanda sa sakuna, at pagtaas ng flu-like illnesses — kabilang ang Laguna, na nagsuspinde ng face-to-face classes hanggang Oktubre 31, at Metro Manila, na nagsuspinde ng klase noong Oktubre 13–14 para sa disinfection at kalusugan ng mga mag-aaral. Santi Celario