Home NATIONWIDE Depensa ni VP Sara, tanggap nang aabot impeachment sa Senate trial?

Depensa ni VP Sara, tanggap nang aabot impeachment sa Senate trial?

90
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Gerville Luistro na tila kinikilala na ng kampo ni Sara Duterte na aabot sa Senate trial ang impeachment case laban sa kanya.

Ayon kay Luistro, chairman ng House Committee on Justice, ang pahayag ng depensa na doon na lamang sasagot sa Senado ay indikasyon na inaasahan nilang papasa sa komite ang finding ng probable cause.

“It appears to me, doon sa kanilang presscon, they are acknowledging already that this will be reaching a trial. Kasi they’re claiming an opportunity to scrutinize, they’re claiming an opportunity to cross examine dahil kulang at malabo pa daw,” ani Luistro.

“Well, it seems to me that they are joining the position of the justice committee that trial is really necessary. But that will happen, of course, after the determination of probable cause,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ni Luistro na mababa lamang ang threshold ng probable cause at sapat na ang ebidensya para maipagpatuloy ang paglilitis, hindi kinakailangang patunay ng pagkakasala.

Kinuwestyon din niya ang hakbang ng kampo ni Duterte na umapela sa Korte Suprema, dahil ang komite ay nagsusuri pa lamang ng probable cause.

“Threshold is merely probable cause. So I don’t think that exhausting all these remedies will be necessary for us to be able to determine the existence of the required threshold and that is probable cause,” ani Luistro.

Sa isyu ng confidential funds, sinabi niyang lampas na sa threshold ang mga notice of disallowance ng Commission on Audit, kabilang ang P73 milyon noong 2022 at karagdagang P375 milyon noong 2023.

Kung maging pinal ang mga ito, aabot sa P448 milyon ang kailangang isauli.

Binigyang-diin din niya na hiwalay ang proseso ng restitution sa COA at impeachment, na naglalayong alisin sa puwesto at ipagbawal habambuhay ang isang opisyal.

Sa usapin ng unexplained wealth, binanggit ni Luistro ang ulat ng Anti-Money Laundering Council hinggil sa P6.7 bilyong transaksyon na hindi umano makikita sa SALN ni Duterte.

“What is significant here, itong P6.7 billion na ito which is contained in the report of the Anti-Money Laundering Council, hindi mo siya makita doon sa SALN… So ang maliwanag agad dito, non-disclosure,” ani Luistro.

Dagdag pa niya, karamihan sa mga transaksyon ay cash at hindi naitala sa deklarasyon mula 2019 hanggang 2025.

Iginiit ng kampo ni Duterte na isinama ang mga ito sa item na “Others,” ngunit ayon kay Luistro, lalo lamang nitong pinatitibay ang pangangailangan ng cross-examination sa trial.

“So presenting these items… will require cross-examination already… So let’s go to trial,” aniya.

Target ng komite na tapusin ang pagdinig sa Abril 29, kung saan inaasahang magsusumite rin ng ulat ang National Bureau of Investigation kaugnay ng umano’y death threats ni Duterte laban kina Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.

Pagkatapos nito, boboto ang komite kung may sapat na batayan para iakyat ang impeachment case sa Senado. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here