MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na anumang posibleng joint oil and gas exploration ng Pilipinas at China, o ng ibang bansa, ay isasagawa lamang alinsunod sa Konstitusyon ng Pilipinas at umiiral na mga batas.
Sa pahayag ng DFA, iginiit nito na nananatili ang sovereign rights ng bansa sa likas na yaman sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) at continental shelf.
“Any decision to pursue, structure, or conclude an agreement on oil and gas cooperation, with China or any other foreign government, will be made solely in accordance with the Philippine Constitution and the country’s laws, jurisprudence and regulations, and in full assertion of its sovereign prerogatives,” ayon sa DFA.
Ayon sa ahensya, inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pamahalaan na pag-aralan ang lahat ng legal na opsyon para matiyak ang seguridad sa enerhiya sa gitna ng pandaigdigang krisis sa suplay ng langis at energy emergency sa bansa.
Binigyang-diin din ng DFA na nananatiling mahalaga ang diplomasya sa pakikipag-ugnayan sa China, kabilang na sa usaping enerhiya, habang pinoprotektahan ang soberanya ng Pilipinas.
Samantala, tumugon din ang DFA sa mga alegasyon ng kakulangan sa transparency sa negosasyon hinggil sa amendments ng memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng Philippine Coast Guard (PCG) at China Coast Guard (CCG).
“The DFA categorically rejects characterizations of these discussions as opaque, unilateral, or conducted without the PCG’s knowledge and participation,” pahayag ng ahensya.
Ayon sa DFA, nagsimula na ang renegotiation ng 2016 agreement mula pa noong 2024 upang i-update ito.
Binigyang-diin din nito na alam ng lahat ng kinauukulang opisyal, kabilang ang National Security Adviser at PCG leadership, ang mga pag-uusap.
Giit pa ng DFA, limitado lamang ang saklaw ng mga pagbabago at hindi kasama ang joint patrols o sensitibong operasyonal na kooperasyon.
“They aim to re-establish the Joint Coast Guard Committee as a formalized communication channel between the two coast guards. The MOU does not contemplate cooperation in sensitive operational areas, joint patrols in particular,” ayon pa rito.
Dagdag ng DFA, ang mga talakayan ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos na panatilihin ang komunikasyon sa China habang pinangangalagaan ang 2016 arbitral ruling at soberanya ng Pilipinas. RNT/MND