Home HOME BANNER STORY DFA: Mary Jane balik-Pinas sa Dis. 18 

DFA: Mary Jane balik-Pinas sa Dis. 18 

MANILA, Philippines- Matapos ang mahigit isang dekada, makakauwi na sa Pilipinas ang convicted overseas Filipino worker na si Mary Jane Veloso sa Miyerkules, Disyembre 18,  base sa Department of Foreign Affairs nitong Lunes.

Inihayag ni DFA Undersecretary Tess Lazaro na inaasahang aalis si Veloso sa Jakarta, Indonesia ng alas-12:50 ng madaling araw at lalapag sa Manila ng alas-6 ng umaga.

Sinintensyahan si Veloso, 39, ng bitay dahil sa drug trafficking matapos mahulihan ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia noong 2010.

Noong 2015, sinabi ni dating Indonesian President Joko Widodo na binigyan ng kanilang pamahalaan si Veloso ng “temporary reprieve” mula sa nakatakdang pagbitay sa kanya kaugnay ng umano’y human trafficking. 

Binisita siya ng kanyang pamilya noong Hunyo 2023 sa Yogyakarta.  

Nitong Enero, nagpadala ng liham ang mga kaanak ni Veloso kina Widodo at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang humirit ng clemency.

Nobyembre ng kasalukuyang taon nang ihayag ni Marcos na nagkasundo ang Manila at Jakarta na ilipat si Veloso sa Pilipinas, na pinasalamatan si bagong Indonesian President Prabowo Subianto at kanyang pamahalaan.

Anang Malacañang, ang pag-uwi ni Veloso sa bansa ay “the fruit of more than a decade of persistent discussions, consultations and diplomacy.”  

“Duty-bound as we are to honor the conditions for her transfer to the Philippine jurisdiction, we are truly elated to welcome Mary Jane back to her homeland and family, from whom she has been distracted for too long,” wika ni Executive Secretary Lucas Bersamin. RNT/SA