Home HOME BANNER STORY ‘Di pagbanggit sa isyu ng online gambling sa SONA ni PBBM, ‘missed...

‘Di pagbanggit sa isyu ng online gambling sa SONA ni PBBM, ‘missed opportunity’ – senators

216
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang senador nitong Lunes, Hulyo 28 sa hindi pagbanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga hakbang ng pamahalaan sa pagkalulong ng lipunan sa online gambling sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA).

Ayon kay Senate majority leader Joel Villanueva, nagsusulong ng total ban sa online gambling, tila iniwasan ni Marcos ang isyu na nakasisira umano sa buhay ng mga Filipino.

“Nakapanghihinayang lamang na hindi nabanggit ng Pangulo ang kanyang posisyon laban sa salot na dulot ng online gambling. Patuloy po ang panawagan natin–ipagbawal na po ito nang tuluyan. Wala itong naiaambag na mabuti sa ating lipunan,” ani Villanueva.

Samantala, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na ang hindi pagtalakay ni Marcos sa isyu ng online gambling sa kanyang SONA ay isang “missed opportunity.”

“Sayang, walang pagbanggit sa online gambling. ‘Yun din ‘yung isang hinahinan ko ng resolution recently, containing at least a dozen provisions, kasama na ‘yung pag-ban ng koneksyon sa gitna ng mga online gambling platforms at mga e-wallets or super apps,” ani Hontiveros.

“Missed opportunity, sayang, hindi niya binanggit ‘yun,” dagdag pa niya.

Nauna nang naghain si Hontiveros ng panukala na naglalayong ipagbawal ang access ng online gambling sa e-wallets at super apps.

Layon din ng panukala na ipagbawal ang online gambling sa mga edad 21 pababa at pagbabawal sa patalastas sa online gambling sa public spaces, tri-media, at social media.

Pasok naman umano sa personal wishlist ni Senador Alan Peter Cayetano ang pagbanggit ng Pangulo sa kanyang SONA ng kanyang aksyon laban sa online gambling.

“In the same manner na nag-standing ovation sa POGO, that’s one thing na kung may wishlist ako, sana nag-announce ng total ban ng online gaming,” sinabi ni Cayetano.

Naghain din si Cayetano ng Anti-Online Gambling Advertisement Act of 2025, na naglalayong ipagbawal ang promotion ng online gambling sa lahat ng media platforms.

Katambal nito ang panukala ng kanyang kapatid na si Senator Pia Cayetano na Ban on Online Gambling Act, na naglalayong ipagbawal ang domestic at offshore online gambling. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here