MANILA, Philippines – May nakita umanong mga hindi tugmang pahayag ang CIDG sa mga salaysay ng mga manlalaro at coaching staff ng men’s basketball team ng Ateneo de Manila University kaugnay ng team-building activity sa Aurora noong Hunyo 8 na ikinasawi ng dalawang student-athletes.
Ayon kay SILG Jonvic Remulla, humarap sa CIDG noong Biyernes sina dating head coach Tab Baldwin, coaching staff member Dean CastaƱo, at athletics director Em Fernandez bilang bahagi ng imbestigasyon.
“They gave their knowledge of the events. There are some inconsistencies between what the players and what the coaches said, pero hindi pa kami tapos.”
Ipinaliwanag ni Remulla na magkaiba ang naging pananaw ng mga testigo dahil nasa dagat ang mga manlalaro habang nasa pampang naman ang mga coach.
“Iba ‘yung vantage point. ‘Yung mga players, nasa dagat. ‘Yung coaches, nasa pampang. Kinukuha lang namin ‘yung full details tapos gagawa kami ng conclusive report.”
Sinabi rin ni Remulla na pinadalhan ng subpoena si Fr. Roberto Yap para sa pagpapatuloy ng fact-finding investigation sa susunod na Huwebes. Hindi pa rin personal na humaharap sa CIDG ang team manager na si Epok Quimpo.
Iniimbestigahan ng CIDG ang pagkamatay nina Rene Baterbonia, 18, at Divine Adili, 21.
Samantala, sinabi ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. na mahalaga ang masusing imbestigasyon upang matukoy kung aksidente, kapabayaan, o posibleng paglabag sa batas ang nangyari.
“We owe it to the grieving families of Rene Baterbonia and Divine Adili to complete a full and impartial investigation before drawing any conclusion.”
“Rushing the process may overlook critical facts that determine whether this was an accident, negligence, or a possible violation of the law.”
Dagdag pa niya, sinusuri rin ng mga imbestigador ang posibilidad ng paglabag sa Anti-Hazing Act kaugnay ng pagkamatay ng dalawang atleta. RNT/MND