Bulacan – Wakwak ang kaliwang dibdib ng 19-anyos na lalaking pahinante matapos undayan ng boteng basag ng kainuman sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ang suspek Ronnie Mendoza, 30, habang ang sugatang biktima ay si Laurence Samong, kapwa delivery helper ng Brgy. San Manuel.
Sa report ng pulisya, naganap ang insidente bandang 12:30 ng madaling araw nitong Agosto 19 sa Brgy. San Manuel.
Ayon sa imbestigasyon, mula sa masayang inuman sa Savano Park ay nagpasyang umuwi ang biktima, suspek at mga kasamahan sa trabaho.
Habang pauwi ay walang kaabog-abog na nagtalo ang biktima at suspek hanggang sa magkaroon ng komosyon na naawat naman ng mga kasamahan.
Dahil dito, naunang umuwi sa barracks ang suspek na kumuha ng basag na bote hanggang sa makita ang biktima na kanyang sinaksak sa kaliwang dibdib at mabilis na tumakas sa lugar.
Agad dinala ang biktima sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Medical Center para sa paunang lunas habang nasukol kalaunan ng mga awtoridad ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated Murder. Dick Mirasol III