Home NATIONWIDE Publiko pinag-iingat ng PRC sa pagkalat ng mpox

Publiko pinag-iingat ng PRC sa pagkalat ng mpox

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Philippine Red Cross (PRC) sa publiko na maging mapagmatyag at vigilant tungkol sa mpox o monkeypox matapos ideklara ng Department of Health (DOH) noong Agosto 19 ang unang bagong kaso sa bansa ngayong taon.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mpox ay infectious disease dulot ng monkeypox virus, at maaaring kumalat sa pamamagitan ng direktang pakikipag-ugnayan sa mga nahawaang indibidwal o hayop at mga kontaminadong materyales.

Ang virus ay maaaring maipasa sa katawan sa pamamagitan ng sugat, mucosal surface, o respiratory tract.

Maaaring kabilang sa mga sintomas ng mpox ang mga pantal, lagnat, namamagang lalamunan, sakit ng ulo, at pananakit ng kalamnan.

“With the lessons learned from the Covid pandemic, we are better equipped and prepared to tackle the challenges mpox may bring us. We will pool our resources and coordinate actively with the Department of Health (DOH) to help prevent the spread of the disease. The Red Cross continues to advocate for the protection of all,” sabi ni PRC Chairman Richard Gordon.

Binigyan-diin ni PRC Secretary General Dr. Gwen Pang ang kahalagahan ng early detection at pangangalaga upang maiwasan ang pagkalat ng mpox.

Pinapayuhan ng WHO ang mga indibidwal na nahawaan ng mpox na ihiwalay ang sarili, takpan ang mga sugat hanggang sa sila ay gumaling, maghugas ng kamay bago at pagkatapos hawakan ang mga sugat, at iwasang hawakan ang mga bagay sa mga shared space.

Inirerekomenda rin ang regular na disinfection sa mga lugar na ito. Jocelyn Tabangcura-Domenden