Home NATIONWIDE DICT kinalampag ni Gatchalian sa pagkakabit ng free wifi sa lahat ng...

DICT kinalampag ni Gatchalian sa pagkakabit ng free wifi sa lahat ng public schools

208
0

MANILA, Philippines – Matinding kinalampag ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na magkaroon ng mas epektibong pagpapatupd ng free wifi program sa lahat ng pampublikong paaralan.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na kailangan nang maglatag ng kaukulang programa ang DICT upang matiyak ang pagkakaroon ng internet connectivity sa lahat ng pampublikong lugar sa bansa, kabilang ang lahat ng pampublikong paaralan.

Itinanong ni Gatchalian sa DICT sa ginanap na deliberasyon ng badyet ng DICT hinggil sa kalagayan ng pagpapatupad ng programa na may unang target na maglalagay ng libreng wifi sa 125,000 public schools.

Natuklasan ng senador na umabot lamang sa6,700 pampublikong lugar na may tinatayang 13,000 access points ang naitayo ng DICT.

Ipinaliwanag ni DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy na ang pagpapalawak ng libreng wi-fi program sa 125,000 pampublikong lugar sa pamamagitan ng subscription ay maaaring hindi sustainable dahil mangangailangan ito ng P58 bilyong pondo kada taon.

Ipinaliwanag ng opisyal ng DICT na pinag-aaralan ngayon ang iba pang pamamaraan upang maging cost-efficient ang pagpapatupad ng libreng wi-fi program.

Tinitignan din ng kagawaran ang posibleng kolaborasyon sa kumpanya ng telekomunikasyon sa pagtukoy ng lugar na pagtatayuan ng cell sites, lalo na sa geographically isolated and disadvantaged areas o GIDAs.

Upang hikayatin ang pagtatayo ng cell sites sa mga lugar na ito, sasagutin ng gobyerno ang pagkalugi ng kumpanya sa pamamagitan ng pagsagot sa subscription fees, na makakatulong sa kumpanyang ito na mabawi ang kanilang gastusin

Halimbawa, maaaring mamahagi ang gobyerno ng mga SIM card at sagutin ang cellphone load sa loob ng hanggang dalawang taon upang matiyak ang subscription.

Sa ganitong paraan, mapapabuti ang internet penetration sa buong bansa lalo na’t kailangan pang magtayo ng 60,000 cell sites sa buong Pilipinas.

Tinataya ng DICT na P5 bilyon ang kakailanganin upang maipatupad ang unang yugto ng planong libreng wi-fi, na sasaklaw rin sa lahat pampublikong paaralan at 300 na barangay sa GIDAs.

Ang budgetary requirement na ito, gayunpaman, ay hindi nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) na naisumite na sa Kongreso bago pa magsimula ang mga negosasyon.

Tiniyak ni Gatchalian sa DICT na susuportahan niya ang proposal ng ahensya ngunit humiling ng karagdagang detalye, kabilang na ang mga timeline at target.

“Siyempre, gusto nating makatulong sa pagpapalawak ng libreng wi-fi program. Bilang chairman ng Basic Education Committee, isa sa mga pinupursige ng komite at ni DepEd Secretary Sonny Angara ay ang education technology o edtech. Alam naman natin na ang isang mahalagang bahagi ng edtech ay connectivity,” sabi ni Gatchalian.

Matatandaang naghain din si Gatchalian ng panukalang batas na Digital Transformation in Basic Education Act (Senate Bill No. 383) na naglalayong palakasin ang paggamit ng information and communications technology sa pag-aaral at mag-aatas sa DepEd na gawing digital ang mga workflow. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here