MANILA, Philippines – Inaasahang muling tataas nang malaki ang presyo ng petrolyo sa susunod na linggo, batay sa galaw ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at foreign exchange rates.
Ayon sa oil industry sources, maaaring tumaas ng ₱10 hanggang ₱10.50 kada litro ang diesel, habang ₱4.50 hanggang ₱5 kada litro naman ang posibleng dagdag sa gasolina. Sinabi naman ng Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na maaaring nasa ₱7 kada litro ang taas-presyo ng kerosene.
Mas mataas ito kumpara sa ipinatupad na taas-presyo ngayong linggo, kung saan tumaas ng ₱5.68 kada litro ang gasolina, ₱4.31 ang diesel at ₱4.62 ang kerosene.
Ayon sa Jetti Petroleum president Leo Bellas, patuloy na nagtutulak pataas sa presyo ang mga pag-atake sa Strait of Hormuz at Red Sea, dalawang mahalagang ruta ng pagbiyahe ng langis. Nagdulot din ng pangamba sa suplay ang pag-atake sa Saudi Arabia’s East-West pipeline at mga refinery sa Russia.
“The attacks on Saudi Arabia’s East-West pipeline, a key oil route bypassing the Strait of Hormuz, forced a shutdown of the system and triggered concerns that the loss of Saudi export capacity would severely affect global energy supplies,” ani Bellas.
Sinabi ng Department of Energy (DOE) na patuloy ang pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis dahil sa krisis sa Middle East. Samantala, umabot na sa mahigit US$99 kada bariles ang average price ng Dubai crude mula Aug. 13 hanggang Sept. 11, lampas sa US$80 kada bariles na threshold para maaaring ikonsidera ang suspensyon o pagbabawas ng excise tax sa ilalim ng batas.
Sa kabila nito, tiniyak ng DOE na sapat ang suplay ng gasolina at diesel sa bansa. Noong Sept. 11, katumbas ng humigit-kumulang 57.17 araw ang gasoline supply at 60.80 araw naman ang diesel supply.
Ang eksaktong taas-presyo ay malalaman matapos ang huling trading day at iaanunsyo ng DOE para sa susunod na linggo. RNT/MDS