BULACAN, Philippines – Nakipagpulong si Bulacan Gov. Daniel R. Fernando kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon nitong Biyernes, Sept. 18, para talakayin ang matinding pagbaha sa lalawigan.
Dinaluhan ang pulong ng mga provincial at local government officials sa Balagtas Hall ng Hiyas ng Bulacan Convention Center at tumagal nang halos anim na oras.
Inilahad ni Fernando ang mga sanhi at epekto ng pagbaha sa Bulacan at hiniling kay Dizon ang agarang konkretong hakbang upang matugunan ang problema.
Naglahad naman si Dizon ng mga short-, medium- at long-term na hakbang laban sa paulit-ulit na pagbaha. Kabilang sa agarang hakbang ang dredging at paglilinis ng mga daluyan ng tubig, paglalagay ng modular barriers sa mga butas sa river walls, at paggamit ng mobile pumps sa mga sirang floodgate at pumping station.
Ayon kay Bulacan PDRRMO head Manuel Lukban Jr., umabot sa limang talampakan ang lalim ng tubig sa ilang lugar na matinding naapektuhan ng pagbaha.
Sinabi ni Fernando na handang makipagtulungan ang pamahalaang panlalawigan sa DPWH upang matiyak na mabibigyan ng agarang aksyon ang mga problemang idinulog ng mga Bulakenyo. RNT/MDS