ILOCOS SUR, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa isang 34-anyos na lalaki matapos bumangga ang minanmaneho nitong motorsiklo sa nakasalubong na SUV sa national highway sa Brgy. San Nicolas, Candon City, Ilocos Sur nitong madaling araw ng Biyernes, Setyembre 18.
Ayon sa Candon City Police Station, ang driver ng motorsiklo ay residente ng Sta. Lucia, Ilocos Sur samantalang ang 52-anyos na driver ng SUV ay residente naman ng Las Piñas City.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang motorsiklo ay bumibiyahe papuntang timog samantalang ang SUV ay papunta ng opposite direction.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, biglang napunta sa kabilang lane ang motorsiklo kaya nagkasalubong ang dalawang sasakyan at nangyari ang banggaan.
Resulta nito, nagtamo ng multiple injuries ang driver ng motorsiklo.
Ang driver ng motorsiklo ay agad na isinugod sa Candon City Hospital ng mga rumespondeng BFP at PNP personnel.
Gayunman, ang driver ng motorsiklo ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor.
Hindi naman nasaktan ang driver ng SUV at ang 42-anyos na lalaki na kasama nito na residente rin ng Las Piñas City. Rolando S. Gamoso