Home NATIONWIDE Kongreso, kinalampag ni Kiko sa pagwawakas sa political dynasty

Kongreso, kinalampag ni Kiko sa pagwawakas sa political dynasty

1
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan nitong Sabado ang Kongreso na kumilos para isabatas ang anti-political dynasty law kasunod ng direktiba ng Korte Suprema na tuparin ng mga mambabatas ang kanilang tungkulin sa Konstitusyon na ipagbawal ang political dynasties.

Nagpasya ang Korte Suprema na ang Article II, Section 26 ng 1987 Constitution ay nag-aatas sa Kongreso na magpasa ng batas na tumutukoy at nagbabawal sa political dynasties, at sinabing ang kabiguan ng lehislatura na gawin ito sa loob ng 39 na taon ay maituturing na grave abuse of discretion.

Inatasan ng Korte ang Kongreso na isabatas ang nararapat na batas “at the earliest opportunity.”

“Malinaw ang ruling ng Korte Suprema: Utos na dapat sundin ang pagbabawal ng Saligang Batas sa political dynasties,” ani Pangilinan.

Sinabi niya na sa loob ng dekada ay itinuturing ng ilang political clans ang pampublikong posisyon bilang pag-aari ng pamilya, na nililimitahan ang pagkakataon ng ibang Pilipino na makilahok sa gobyerno.

“Deka-dekada na, itinuturing ng ilang political clan ang pampublikong posisyon na parang ari-arian ng pamilya — na parang family business at private inheritance ang demokrasya,” aniya.

“Sinisira ng ganitong sistema ang accountability at inaalis ang patas na pagkakataon para sa mga karaniwang Pilipino na marinig ang boses, at magkaroon din ng puwang sa mesa ng pamunuan,” dagdag pa niya.

Sinabi ng senador na ang pananatili ng political dynasties ay may epekto hindi lamang sa eleksyon kundi pati sa ekonomiya at lipunan ng bansa.

“Matagal na nating sinusuportahan ang malinaw at mahigpit na limitasyon sa political dynasties. Ngayon, kailangang kumilos ang Kongreso. Hindi umiwas, magpaliban, o pahinain ang batas,” aniya.

Binigyang-diin ng Korte Suprema na ang probisyon ng Konstitusyon ay hindi lamang aspirational. Bagama’t nananatili sa Kongreso ang awtoridad na tukuyin kung ano ang bumubuo sa political dynasty at saklaw ng pagbabawal, wala itong diskresyon kung gagawa o hindi ng batas.

Sinabi ni Pangilinan na sinusuportahan niya ang anti-political dynasty bill na inihain ni Sen. Risa Hontiveros na kasalukuyang tinatalakay sa Senado.

“Sinusuportahan natin ang anti-political dynasty bill ni Sen. Risa Hontiveros na kasalukuyang tinatalakay sa Senado,” aniya.

“Panahon na para wakasan ang political dynasty at bigyang-laya ang demokrasya,” dagdag ni Pangilinan.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here