MANILA, Philippines – Posibleng makatikim ng ginhawa ang mga motorista sa susunod na linggo matapos asahan ang bawas-presyo sa mga produktong petrolyo kasunod ng sunod-sunod na malalaking oil price hike mula nang sumiklab ang sigalot sa Middle East noong Pebrero.
Batay sa resulta ng Mean of Platts Singapore (MOPS) trading sa nakalipas na apat na araw, sinabi ng isang oil industry source na maaaring bumaba ang presyo ng diesel ng P5.50 hanggang P6.50 kada litro, habang ang gasolina ay maaaring manatiling walang galaw o bumaba ng hanggang P1.00 kada litro.
Karaniwang inaanunsyo ng mga fuel retailer ang opisyal na price adjustment tuwing Lunes at ipinapatupad ito kinabukasan.
Dumating ang inaasahang rollback matapos magtaas ang mga oil firm noong Martes, Abril 7, ng P6.00 kada litro sa gasolina, P19.80 kada litro sa diesel, at P9.10 kada litro sa kerosene.
Ito ang ika-14 na fuel price movement ngayong 2026 na nagbunga ng kabuuang net increase na P54.20 kada litro para sa gasolina, P109.85 kada litro para sa diesel, at P8.20 kada litro para sa kerosene.
Ang inaasahang bawas-presyo ay kasunod ng dalawang linggong ceasefire na napagkasunduan ng United States at Iran. Pumayag si US President Donald Trump sa ceasefire wala pang dalawang oras bago ang kanyang itinakdang deadline para muling buksan ng Tehran ang Strait of Hormuz o humarap sa pag-atake sa civilian infrastructure.
Ayon kay Trump, nakatali ang kasunduan sa pagpayag ng Iran na itigil ang blockade nito sa oil and gas supplies na dumaraan sa Strait of Hormuz, na dinaraanan ng tinatayang ikalimang bahagi ng global supply. Sa panig naman ni Iran’s foreign minister Abbas Araqchi, sinabi nitong ihihinto ng kanilang bansa ang counterattacks at papayagan ang ligtas na pagdaan ng mga kargamento.
Sinabi naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Miyerkules na sasamantalahin ng Pilipinas ang dalawang linggong ceasefire upang makapag-secure ng mas maraming suplay ng petrolyo para sa bansa hangga’t maaari.
“’So we will take full advantage of the two weeks to increase our supply as much as possible and to continue to make whatever arrangements are possible. We are all hoping and praying that the two-week ceasefire will extend further if the talks go well,” Marcos said.
Inanunsyo na rin ni Marcos ang P10 kada litrong fuel subsidy para sa mga public utility vehicle (PUV) upang maibsan ang bigat na dinaranas ng mga driver at operator dahil sa taas-presyo ng langis. RNT