MANILA, Philippines – Inilabas na ng Commission on Elections (Comelec) ang official calendar ng mga aktibidad at listahan ng mga ipinagbabawal para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao Parliamentary Elections (BARMM-PE) sa Setyembre 14, 2026.
Sa Resolution No. 11214 na inilabas noong April 7, itinakda ng poll body ang pangunahing deadline para sa political parties, candidates, at election officers sa paghahanda para sa kauna-unahang parliamentary election sa rehiyon.
Ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa district representatives, gayundin ang pagsusumite ng listahan ng mga nominado ng regional parliamentary political parties at coalition, ay mula Mayo 5 hanggang 7, 2026.
Ang campaign period ay tatakbo mula July 30 hanggang September 12, kasunod ang 24 oras na pagbabawal sa pangangampanya.
Itinakda naman ang election period sa Setyembre 14, habang ang deadline ng paghahain ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ay sa Oktubre 14.
Kasama sa panahon ng halalan, mula Hulyo 16 hanggang Setyembre 29, ang gun ban sa buong bansa at ang pagbabawal sa paggamit ng mga hindi awtorisadong security personnel.
Ang paglilipat o pagtatalaga ng government employee ay ipagbabawal din maliban kung aprubado ng Comelec. Ang suspensyon ng local election officials ay ipagbabawal din nang walang naunang consent ng komisyon.
Mula July 30 hanggang September 12, ang mga kandidato ay pagbabawalang magbigay ng donasyon, magtalaga ng special police o confidential agents, tumanggap ng government employees, o maglabas at gumasta ng public funds maliban sa tiyak na exempted transactions.
Ipagbabawal din ang konstruksyon ng public works at issuance ng treasury warrant.
Sa September 13, ipapatupad ng Comelec ang liquor ban. Ipagbabawal ang pamamahagi ng libreng pagkain at inumin, transportation, o bagay na may halaga, at ipagbabawal din ang lahat ng anyo ng pangangampanya.
Sa araw ng botohan, ang pangangampanya at vote solicitation ay ipagbabawal sa loob at paligid ng polling places. Gayundin, ang pagbubukas ng stable sa loob ng 30 metro ng presinto ay ipagbabawal, kasama ang sabong, karera, at iba pang kahalintulad na aktibidad.
Ang pagbebenta at pag-consume ng alak, paggamit ng armored vehicles, at pag-akto bilang hindi awtorisadong bodyguards ay hindi rin papayagan.
Mahigpit ding ipagbabawal ang multiple voting at vote substitution. Jocelyn Tabangcura-Domenden