MANILA, Philippines – Iginiit ni dating Ilocos Sur governor Chavit Singson na handa siyang isumite ang kanyang sworn affidavit para sa nakatakdang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng flood control projects, at itinangging siya ang dahilan ng pagkaantala nito.
Ayon kay Singson, ikinagulat niya ang pagpapaliban sa pagdinig na orihinal na itinakda sa Abril 14. Isa sa mga dahilan na binanggit ng komite ay ang hindi pa umano niya pagsusumite ng affidavit. Matatandaang nagboluntaryo si Singson na tumestigo sa harap ng komite na pinamumunuan ni Senator Panfilo Lacson.
Sa liham ng Blue Ribbon Committee na may petsang Marso 25, hiniling kay Singson na magsumite ng dalawang orihinal na kopya ng kanyang affidavit, kasama ang lahat ng kalakip na dokumento, hanggang alas-5 ng hapon ng Abril 7, at inimbitahan din siyang maging resource person sa pampublikong pagdinig sa Abril 14.
“…we respectfully request your honor to submit – on or before 5:00 p.m. of 7 April (Tuesday) – two (2) original copies of your affidavit (with all of its attachments)…” ayon sa liham ng komite.
Sinabi ni Singson sa GMA News na nakahanda na sana siyang magsumite ng kanyang affidavit noong Abril 7, ngunit sa mismong araw ding iyon ay nakatanggap siya ng abiso na ang pagdinig ay “deferred until further notice.”
Sa hiwalay na liham ng Senate Blue Ribbon Committee na may petsang Abril 7, sinabi ng komite na kinakailangang i-reschedule ang public hearing “contingent on the mitigation of the current National Energy Emergency and the formal submission of your sworn affidavit, including all pertinent supporting documents.”
Samantala, napaulat din na sinabi ni Lacson na binigyan ng komite si Singson hanggang Abril 7 upang isumite ang kanyang draft affidavit ngunit wala umano itong natanggap na tugon.
Gayunman, nilinaw ni Singson na wala siyang kinalaman sa pagpapaliban ng pagdinig.
“Wala naman silang sinabi na mag-reply ako eh, ang sabi lang mag submit lang. Noong magsa-submit na ako, may notice na…Sila nag-cancel, hindi ako,” ani Singson.
Sinabi rin ng dating gobernador na nananatili siyang handang isumite ang kanyang affidavit at dumalo sa public hearing ng komite kaugnay ng flood control.
“Umaasa pa rin ako na may isang salita si Senator Lacson na tatawagin ako sa Senado para tulungan sila,” dagdag niya.
Si Singson ay sumuporta sa tambalang Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Sara Duterte noong 2022 presidential elections, at kamakailan ay nagpahayag din ng suporta sa posibleng presidential bid ni Duterte sa 2028. RNT